Aktibong kaso ng COVID-19 sa CALABARZON, lagpas 47,000 na
Umakyat pa sa mahigit 47,000 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa CALABARZON.
Sa datos ng DOH Center for Health Development- CALABARZON, kabuuang 47,327 ang active cases ng sakit sa rehiyon.
Ito ay makaraang madagdagan ng 2,385 bagong COVID patients ang Region IV-A habang may bagong recoveries na 2,586.
May bagong pumanaw na pasyente na 66 kaya mahigit 9,000 na ang namatay sa rehiyon dahil sa virus.
Sa kabuuan ay umaabot na sa 316,797 ang kumpirmadong nagpositibo sa COVID sa CALABARZON mula noong isang taon.
Gayunman, gumaling na ang mahigit 260,000 sa mga ito.
Tiniyak naman ng DOH CALABARZON na pinalalakas nito ang healthcare system sa rehiyon laban sa mas nakahahawang Delta variant.
Isa na rito ang pagkakaroon ng One Hospital Command Center kung saan pinagkonekta ang health at medical services ng mga regional hospitals gaya ng Southern Tagalog Regional Hospital sa Cavite at ang Batangas Medical Center sa Batangas.
Kasama rin sa OHCC ang ibang malalaking public hospitals sa Laguna, Quezon at Rizal para magkaroon ng well-coordinated response at referral system sa paghawak sa COVID cases.
Moira Encina