Aktor na si Jamie Foxx, na-ospital dahil sa medical complication
Na-ospital dahil sa isang ‘unspecified medical complication’ ang aktor na si Jamie Foxx, ngunit nasa recovery stage na ayon sa kaniyang pamilya.
Ang 55-anyos na si Foxx ay under observation sa isang medical facility sa estado ng Georgia, kung saan siya nagso-shoot ng isang Netflix movie.
Ayon sa post sa Instagram ng kaniyang anak na si Corinne Foxx, “We wanted to share that, my father, Jamie Foxx, experienced a medical complication yesterday. Luckily, due to quick action and great care, he is already on his way to recovery.”
Sa report ng celebrity news website na TMZ, ang kondisyon ni Foxx ay “tila seryoso noong una, dahilan para sumugod ang kaniyang pamilya sa ospital,” ngunit binanggit nito ang isang hindi pinangalang source na nagsabing ang aktor ay nakakausap na.
Ang medical emergency ay hindi nangyari sa set ng “Back in Action,” isang Netflix film na kinatatampukan ni Foxx at Cameron Diaz.
Hindi naman agad tumugon ang kinatawan ni Foxx nang hingan ng komento, o nagbigay man ng dagdag pang detalye.
Si Foxx, na isang aktor, comedian at Grammy-winning singer, ay nagwagi na ng isang Academy Award para sa 2004 Ray Charles musical biopic na “Ray,” at na-nominate rin sa Oscar para sa “Collateral” sa kaparehong taon.
Nagbida rin siya sa “Django Unchained” at “Dreamgirls.”
© Agence France-Presse