Aktres na si Susan Roces, nailibing na sa Manila North Cemetery
Nailibing na sa Manila North Cemetery ang mga labi ng beteranang aktres na si Susan Roces.
Bago mag-12:00 ng tanghali ng Huwebes nang dumating ang karo na may lulan sa mga labi ni Roces sa labas ng moseleyo ng pamilya Poe.
Nanggaling ang convoy mula sa Heritage Park sa Taguig City.
Pumanaw ang tinaguriang “Queen of Philippine Movies” noong Mayo 20 sa edad na 80 anyos.
Inilibing si Roces o Jesusa Sonora Poe sa tunay na buhay sa tabi ng puntod ng kanyang asawa na si Fernando Poe Jr.
Si Senadora Grace Poe na kaisa-isang anak ni Roces ang nanguna sa interment ng aktres.
Bukod sa pamilya at mga kaibigan, dumagsa rin sa libing ang mga tagasuporta ni Roces para makiramay at masulyapan ito.
Sa pagtaya ng pulisya, nasa 800 katao ang nasa bisinidad ng moseleyo nang ilibing ang film icon.
Ilan naman sa mga dumalaw sa burol ni Roces sa Heritage Park ay sina Pangulong Rodrigo Duterte at President- elect Bongbong Marcos Jr.
Moira Encina