Akusasyon ng PHAP na bilyun-bilyong utang ng Philhealth sa mga Private hospitals, pinabulaanan
Sinagot na ng Philippine Health Insurance Corporation o Philhealth ang akusasyon ng Private Hospital Association of the Philippines o PHAP na wala nang pambayad ang ahensya kaya umabot na ng mahigit isang taon ang utang ng Philhealth sa mga pribadong pagamutan sa bansa.
Ayon kay Dr. Israel Pargas, OIC Vice-President at Head Executive Assistant ng Philhealth, hindi totoo na nauubos na ang pondo ng ahensya katunayan, 2017 umabot aniya sa 156 bilyong piso ang nakolektang pondo ng ahensya.
Nakapagbayad din aniya ang Philhealth ng aabot sa 100 bilyong pisong mga benepisyo at mula 2017 hanggang ngayong taon ay linggu-linggo umano silang nagbabayad ng halos 2 bilyong piso.
Paliwanag ni Pargas, maaaring ang tinutukoy aniya ni PHAP President Dr. Rustico Jimenez na utang ng Philhealth ay ang mga nasa proseso pa dahil may inilaan silang 60 days sa mga ospital para sa filing of claim at 60 days naman para sa Philhealth para sa processing.
Nakiusap din si Pargas sa PHAP na huwag ituloy ang banta nilang hospital holiday o pagsasara ng ilang mga pribadong ospital dahil direktang maaapektuhan nito ay mga mahihirap nating kababayan at mga nangangailangan ng serbisyong medikal.
“Meron po kaming around 50 million pesos na nakaantabay for voucher para pambayad sa mga ospital na yun. So in our initial data, would say na sobra naman yata yung binabanggit niyang bilyun-bilyong utang ng Philhealth. Ang sinasabi nga po namin at kami ay nakikipag-ugnayan sa kaniya na kung maaari ay kami ay makapag-usap at nang iprisinta niya sa amin ang kaniyang data at maipakita rin namin ang aming data sa kanila para makapag-reconcile din kami”.- Dr. Ish Pargas
===============