Alert level 1 sa NCR sa December 16 hanggang December 31, nakadepende sa ilalabas na data ng WHO sa Omicron variant ng COVID-19 – Malakanyang
Hindi pa makapagdesisyon ang Inter Agency Task Force o IATF kung ilalagay na sa alert level 1 ang National Capital Region o NCR sa kabila ng patuloy na pagbaba ng kaso ng COVID-19 pagsapit ng December 16 hanggang December 31.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Karlo Alexi Nograles na hinihintay pa ng IATF ang konkretong data na mula sa World Health Organization o WHO kaugnay ng ginagawang assessment sa Omicron variant ng COVID-19.
Ayon kay Nograles, pawang preliminary data pa lamang ang inilalabas ng WHO kaya hindi makapagpalabas ng desisyon ang IATF kung ilalagay na sa alert level 1 ang NCR mula sa alert level 2.
Inihayag ni Nograles na tatlong criteria ang pagbabatayan ng IATF sa alert level adjustment kaugnay ng magiging epekto ng Omicron variant sakaling makapasok sa bansa at ito ay ang transmissibility, severity at breakthrough infection kahit bakunado na sa anti COVID-19 vaccine.
Niliwanag ni Nograles na wala pang konkretong data ang WHO kaugnay sa transmissibility, severity at breakthrough infection ng Omicron variant ng COVID- 19 kaya hindi matukoy ng IATF ang comfort level upang maibaba na sa alert level 1 ang NCR at iba pang lugar sa bansa.
Vic Somintac