Alex Eala tumaas ang rankings sa WTA
Umangat ang ranking ng Pinay tennis star na si Alex Eala, sa singles at doubles ng Women’s Tennis Association (WTA).
Mula sa No. 187 noong isang linggo, ang 18-anyos na si Eala ay tumalon ng tatlong puwesto sa singles rankings, makaraang umabot sa quarterfinal sa W50 Pune International Tennis Federation (ITF) tournament na ginanap sa India nitong weekend.
Kasabay nito ay umangat din siya sa No. 302 sa doubles rankings matapos na manalo sa doubles title sa kapareho ring torneo kasama ang partner niyang si Darja Semenistaja ng Latvia.
Si Semenistaja ang tumalo kay Eala sa quarterfinals ng singles division.
Ito ang una niyang doubles title sa professional tennis matapos manalo ng apat na singles, na dalawa rito ay napanalunan niya noong nakaraang taon.
Sasabak naman si Eala bukas sa round 2 ng W50 Indore na ginaganap din ngayon sa India.
Pagkatapos sa Indore, nakatakda rin siyang lumaban sa Mubadala Abu Dhabi Open na gaganapin simula Feb. 5 hanggang 11 sa International Tennis Centre, Zayed Sports City sa United Arab Emirates na lalahukan din ng ilan sa magagaling na tennis player, gaya ng dating world No. 1 na si Naomi Osaka ng Japan at dating US Open champion na si Emma Raducanu ng Great Britain.