Alex Eala wagi sa main draw ng WTA1000 sa Madrid
Dinaig ng Pinay tennis star na si Alex Eala ang world ranked No. 41 na si Lesia Tsurenko ng Ukraine, sa first round ng Mutua Madrid Open.
Ito na ang pinakamalaking panalo sa kaniyang pro career.
Tinalo ng 18-anyos na si Eala ang 34-anyos na Ukrainian sa score na 2-6, 6-4, 6-4, sa laban nila na ginanap sa La Caja Magica sa Madrid, Spain.
Ang nasabing panalo ay nagsilbing milestone victory ng kaniyang professional career, dahil ito ang unang pagkakataon na tinalo ni Eala ang isang top 50 (active ranking) player sa Women’s Tennis Association (WTA) 1000 event.
Photo courtesy of Alex Eala’s FB
Kamakailan lamang ay umakyat sa panibagong “all-time” high sa world rankings ang batang manlalaro na produkto ng Rafa Nadal Academy, kung saan sa ngayon siya ay nasa No. 169 matapos umakyat ng tatlong puwesto pa.
Ang Mutua Madrid Open, na isang WTA Masters 1000 event, ay isa sa mga nangungunang event sa women’s pro tour dahil ito ang ikatlong pinakamataas na antas ng kompetisyon.
Si Alex Eala ang highest-ranked Pinay sa WTA tour sa No. 169, at dahil sa kaniyang panalo laban kay Tsurenko ay inaasahang tataas pa ang kaniyang ranking.