Alice Guo muling kakandidato sa pagka-alkalde, ayon sa abogado nito
Kinumpirma ng abogado ni dismissed Mayor Alice Guo na muli itong tatakbo sa pagka-alkalde sa Bamban, Tarlac sa 2025 midterms elections.
Ayon kay Atty. Stephen David, maghahain ng Certificate of Candidacy (COC) si Guo sa susunod na linggo.
Mas mabuti aniyang kumandidato si Guo lalo na’t marami ang nagpupursige para ito tumakbo muli.
Atty. Stephen David / Courtesy: David Buenaventura and Ang Law Offices FB
Ayon kay David, “Unang-una, kung talagang gusto siya ng mga tao roon, sila dapat ang humusga, ang taong bayan dapat ang humatol kung siya ba ay karapat-dapat na manungkulan sa kanilang lugar.”
Sinabi pa ni David na maraming nagmamahal kay Guo dahil sa marami rin itong nagawa para sa Bamban noong mayor pa.
Katwiran pa ni David, walang hadlang sa pagkandidato ni Guo, dahil ito ay Pilipino at wala pang ruling ang mga hukuman na nagkakansela sa birth certificate nito.
Aniya, “Mahabang proseso yun. Maka-cancel ba yun. She is a Filipino. She is a Filipina, so wala namang decision ang courts na hindi sya Pilipino.”
Una nang sinabi ni COMELEC Chair George Garcia, na wala silang kapangyarihan na awtomatikong kanselahin ang COC ni Guo sakaling maghain ito.
COMELEC Chair George Garcia / Courtesy: Phil. News Agency
Si Guo ay akusado sa mga kasong human trafficking at katiwalian, at nakakulong sa Pasig City Jail.
Nahaharap din si Guo sa reklamong money laundering, perjury at falsification of documents na nakabinbin pa sa Department of Justice (DOJ), at quo warranto petition sa Manila Regional Trial Court.
Moira Encina – Cruz