Alok na blood-testing technology ng WHO dapat samantalahin ng gobyerno
Hinimok ni Senador Imee Marcos ang gobyerno at pribadong sektor na samantalahin ang alok ng World Health Organization na makabagong blood-testing technology lalo at may bagong COVID-19 variant na Omicron na pinangangambahan sa buong mundo.
Ayon kay Marcos , panahon na para palakasin ang testing capacity ng bansa bukod sa pinaigting na kampanya ng pamahalaan sa paghikayat sa publiko na magpabakuna na .
Paliwanag ni Marcos, dapat palakasin ng bansa ang testing capacity ngayon, higit pa kaysa dati gamit ang naturang teknolohiya upang suportahan ang National vaccination program ng gobyerno.
Dagdag ng Senador, naghahanda na ang mga eksperto kung sakaling mabawasan ang bisa ng mga bakuna dahil sa Omicron variant.
Nabatid na nilagdaan na ng WHO at ng blood-testing technology developer na Consejo Superior de Investigaciones Cientificas (Spanish National Research Council) ang isang kasunduan na wala nang babayaran ang mga kukuha ng lisensya sa paggawa ng nasabing teknolohiya at tuturuan pa sila kung paano ito gamitin.
Sa kasalukuyan nasa 40 milyon na ang fully vaccinated na Pilipino o 36% ng tinatayang populasyon na 111 milyon, pero hamon pa rin sa gobyerno na maabot ang target na 70% bago matapos ang taon.