Amazon, magtatanggal ng 10,000 mga empleyado
Naghahanda na ang Amazon na magtanggal ng hanggang 10,000 mga empleyado.
Kumakatawan ito sa halos wala pang isang porsiyento ng kabuuang empleyado ng grupo, na mayroong 1.54 na milyong mga kawani sa buong mundo, hindi pa kasama rito ang seasonal workers na nire-recruit sa mga panahong gaya ng holidays.
Ayon sa ulat, ang mga posisyong maaapektuhan ay nasa devices department, retail division at human resources.
Nakasaad pa sa report, na ang kabuuang bilang ng mga aalising empleyado ay maaaring mabago, ngunit kung makukumpirma, ito na ang magiging pinakamalaking bilang ng mga kawaning matatanggal sa kasaysayn ng 28-taong gulang nang kompanya na itinatag ni Jeff Bezos.
Matatandaan na dumoble ang workforce ng Amazon mula sa first quarter ng 2020 sa 1.62 milyong empleyado pagkaraan ng dalawang taon, dahil lumakas ang negosyo sa panahon ng pandemya matapos lumipat sa online shopping ang publiko.
Subalit dahil humihina ang ekonomiya, inanunsiyo ng Amazon nitong nakalipas na dalawang linggo na ititigil muna nito ang pagkuha ng mga trabahador, at nabawasan na rin ang workforce nito kumpara sa pagsisimula ng 2022.
Hindi naman agad tumugon ang Amazon nang hingan ng kumento.
Nito lamang nakalipas na linggo, inanunsiyo ng Meta, parent company ng Facebook, na magtatanggal ito ng 11,000 trabahador, o halos 13 percent ng kaniyang workforce.
Nag-ulat din kamakailan ang online payment company na Stripe at car-hailing app na Lyft, ng malaking pagbabawas sa kanilang workforce. Ang Twitter man na bagong bili pa lamang ni Elon Musk, ay nagtanggal ng halos kalahati sa 7,500 mga empleyado nito sa mga unang bahagi ng Nobyembre.
© Agence France-Presse