American singer na si Tony Bennet, pumanaw na
Pumanaw na sa edad na 96 si Tony Bennett, ang huli sa isang henerasyon ng mga klasikong American sentimental singers, na ang pagiging masayahin ay naging tulay upang manatili siyang isang “hitmaker” sa loob ng pitong dekada.
Ang pagkamatay ni Bennett ay inanunsiyo ng kaniyang publicist na si Sylvia Weiner.
Lumaki sa isang panahon na ang US pop music ay dominado ng malalaking banda, tila nabigyan si Bennett ng ikalawang pagkakataon nang magsimula siyang tanggapin ng mga kabataan noong 1990s — hindi dahil sa binago niya ang kaniyang sarili kundi sa pamamagitan ng pagpapakita ng kanyang lubos na kagalakan sa pagtataguyod ng mga pamantayan.
At noong 2014 nang si Bennett ay umedad na ng 88, ay siya ang naging pinakamatandang tao na nag-numero uno sa US album sales chart sa pamamagitan ng koleksyon ng mga duet kasama si Lady Gaga — na naging kaibigan niya at kasama sa paglilibot ngunit isa lamang sa mahabang listahan ng mga nakababatang bituin na nagnais na agad siyang makatrabaho.
Ikinukumpara mula pa sa panimula ng kaniyang career kay Frank Sinatra, sinubukan muna ni Bennett na idistansya ang kanyang sarili ngunit kalaunan ay sinundan din ang halos kaparehong landas ng iba pang sentimental singers na kumakanta sa mga nightclub, sa telebisyon at para sa mga pelikula. At napatunayan na ang kaniyang “gift” ay ang kaniyang presensya sa entablado.
Sa pamamagitan ng isang malugod na ngiti at makinis na suit, kumakanta siya “with gusto” gamit ang tinig na makinis, malakas at malinaw na kaniya namang napananatili sa pamamagitan ng pagsasanay sa ilalim ng operatic Ben Canto tradition.
Nagsimula sa kanyang pag-record ng kanta para sa pelikula na “Because of You” noong 1951, dose-dosenang hit songs na ang inawit ni Bennet gaya ng “Rags to Riches,” “Stranger in Paradise,” at ang naging signature tune niya na “I Left My Heart in San Francisco,” na nagbigay sa kanya ng dalawa sa 19 niyang Grammy Awards.
Ngunit ang British Invasion na pinasimulan ng The Beatles ay nakaapekto sa kaniya, kung saan ang kaniyang musika ay biglang naging kakaiba at lipas na. Halos binawian siya ng buhay dahil sa cocaine overdose noong 1979 bago nakabawi at unti-unting nabuhay ang career.
Sa isang panayam sa British culture magazine na Clash ay sinabi ni Bennett, “When rap came along, or disco, whatever the new fashion was at the moment, I didn’t try to find something that would fit whatever the style was of the whole music scene. I just stayed myself and sang sincerely and tried to just stay honest with myself — never compromising, just doing the best songs that I could think of for the public. And luckily it just paid off.”
Si Tony Bennett — na ang stage name ay nagmula sa payo ng showbiz A-lister na si Bob Hope — ay ipinanganak na Anthony Dominick Benedetto sa Astoria neighborhood ng New York Queens borough.
Maaga siyang kinakitaan ng mga katangian na maging isang entertainer, kung saan sa edad na siyam ay kumanta siya kasama ang legendary New York mayor na si Fiorello LaGuardia sa ceremonial opening ng Triborough Bridge ng lungsod, na kilala ngayon bilang Robert F. Kennedy Bridge.
Subalit ang pagkamatay ng kanyang ama nang siya ay 10 taong gulang pa lamang, noong panahong ang Estados Unidos ay nahihirapan pa ring makaahon sa Great Depression, ang nagbunsod sa kanya na tumigil sa pag-aaral at maghanap ng pagkakakitaan sa pamamagitan ng pagtatrabaho gaya ng pagkanta sa Italian restaurants at ang caricature painting, na nanatiling isang panghabambuhay niyang side career.
Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, si Bennett ay napabilang sa 63rd Infantry Division at ipinadala sa France at Germany. Ngunit siya ay na-demote matapos niyang pagsalitaan ng hindi maganda ang isang opisyal mula sa Timog na tumutol na si Bennett ay kumain kasama ng kaibigan nitong African American sa noo’y ‘racially segregated army.’
Bilang parusa, ginugol ni Bennett ang kanyang tour of duty sa paghuhukay ng mga bangkay at pagpapadala sa mga ito. Ngunit pagkatapos ng Allied victory, ay nagkaroon si Bennett ng isang hindi inaasahang break sa musika habang naghihintay siya kasama ang mga kapwa tropa sa Wiesbaden, Germany para makauwi.
Dahil buo pa rin noon ang opera house ng lungsod, isang banda ng US Army ang nagsagawa ng lingguhang palabas na napapakinggan din sa military radio sa buong Germany. Kinuha noon bilang librarian ng banda. mabilis na napahanga ni Bennett ang mga tao sa kanyang boses kaya naging isa siya sa apat na vocalist.
Sa kaniyang autobiography ay isinulat ni Bennett, “During this period in the army, I enjoyed the most musical freedom I’ve ever had in my life. “The Good Life.” I could sing whatever I wanted, and there was no one around to tell me any different.”
Nang bumalik siya sa Estados Unidos, ay kumuha siya ng formal singing lessons sa pamamagitan ng GI Bill, na siyang gumugugol sa educational expenses ng mga nagbabalik na sundalo.
Dahil sa kanyang mga karanasan, naging liberal si Bennett sa buong buhay niya. Higit niyang ikinagalit noong 1950s ay nang mag-perform siya sa Miami kasama ang jazz pioneer na si Duke Ellington, na hindi pinayagang dumalo sa isang press party dahil sa segregation sa hotel.
Sa isang mapanganib na hakbang para sa isang sikat na entertainer, tinanggap niya ang isang imbitasyon mula sa mang-aawit na si Harry Belafonte na sumali sa civil rights icon na si Martin Luther King sa 1965 march mula sa Selma, Alabama bilang pagsuporta sa pantay na karapatan sa pagboto para sa mga African American.
Kinalaunan ay isinulat niya sa kaniyang memoir, na ang ipinapakitang poot ng white state troopers ay nagpapaalala sa kaniya sa Nazi Germany. Naging lantad din ang kaniyang paglaban sa digmaan, na minsan ay nagbubunga ng kontrobersiya.
Sinabi niya sa isang sikat na radio host na si Howard Stern, ilang araw bago nangyari ang September 11, 2001 attacks, “The time I saw a dead German, that’s when I became a pacifist.”
Si Bennett ay nagkaroon ng apat na anak kabilang si Antonia Bennett, na sumunod sa kaniyang yapak bilang singer ng pop and jazz standards.
Subalit ang anak niyang lalaki na si Danny Bennett ang pinaka instrumental sa career ng kaniyang ama, kung saan agresibo nitong niligawan ang MTV at iba pang players sa pop world bilang manager ng kaniyang ama.
Noong unang bahagi ng 1990s, si Bennett na ang istilo at hitsura ay hindi gaanong nagbago mula noong 1960s, maliban na lamang sa marami na ang puti niyang buhok — ay lumalabas sa mga music video sa MTV at kumakanta ng warm-up sa mga konsyerto ng mga alternatibong higanteng rock tulad ng Smashing Pumpkins at Porno for Pyros.
Ang patunay na nakabalik na si Bennett ay noong 1993 nang magbigay siya ng award sa MTV Video Music Awards kasama ang Red Hot Chili Peppers, na pinuri ang kanyang ‘cool factor’ pagkatapos ay kinanta nila ang ilang bahagi ng “I Left My Heart in San Francisco.”
Ang kanyang career ay lalong lumago at makalipas ang isang dekada, naglabas siya ng tatlong matagumpay na album ng mga duet. Sa isa sa mga duet album na may titulong “Body and Soul,” ay kumanta siya kasama si Amy Winehouse sa naging huling recording na nito bago namatay noong 2011.
Ipinagdiwang niya ang kaniyang 90th birthday sa pamamagitan ng isang star-studded concert sa Radio City Music Hall ng New York, na ginawa ring isang television special at album.
Ang titulo nito ay kinuha mula sa awiting pinasikat ni Bennett: “The Best Is Yet to Come.”
Si Bennett ay nag-tour pa sa Estados Unidos at Europe sa huli niyang dekada, kung saan nagkaroon siya ng huling public performance bago natigil ang kaniyang tour sa New Jersey noong Match 11, 2020 dahil sa coronavirus pandemic.
Pagkatapos nito ay ibinunyag niya na noong 2016 ay na-diagnose siya na mayroong Alzheimer’s disease. Namalagi siyang tahimik tungkol sa kaniyang kondisyon sa loob ng ilang taon.
Nang siya ay sumapit sa kaniyang ika-95 taon, nagkaroon siya ng dalawa pang birthday concerts, na ginanap muli sa Radio City Music Hall, kasama si Lady Gaga — ang show ay tinawag na farewell concert niya sa New York.
Kinansela na niya ang nalalabi sa kaniyang 2021 tour dates dahil sa utos ng kaniyang doktor.