Amnesty International, humihingi ng 2 bilyong Covid dose para sa mahihirap na mga bansa
Sinabi ng Amnesty International na mas mahalaga para sa Covid vaccine manufacturers ang kumita kaysa buhay.
Ayon sa human rights group, tumutol ang AstraZeneca, BioNTech, Johnson & Johnson, Moderna, Novavax at Pfizer na mag-share ng doses o teknolohiya para mas marami pang mga bansa ang magkaroon ng bakuna.
Karamihan sa mga taong nasa mayayamang bansa ay bakunado na, subalit ang ilang bahagi ng Latin America, Africa at Asya ay muling nakaranas ng panibagong krisis kung saan libu-libo ang namamatay linggo-linggo.
Sa mga liham na kanilang ipinadala sa Amnesty, lahat ng kompanya ay nangako ng kanilang suporta sa karapatang pantao, subalit batay sa report ng Amnesty nilabag ng mga ito ang kanilang pangako.
Binanggit pa ng grupo, na mahal ang benta ng AstraZeneca at Johnson & Johnson sa kanilang bakuna.
Naglunsad ang Amnesty ng isang bagong kampanya na suportado ng World Health Organization at UN High Commissioner for Human Rights, para papanagutin ang mga estado at malalaking pharmaceutical companies.
Dahil 100 araw na lamang bago matapos ang taon, ang target ng WHO na mabakunahan ang 40% ng populasyon ng low at lower-middle income countries ay nanganganib.
Ayon kay Amnesty International chief Agnes Callamard . . . “We’re calling on states and pharmaceutical companies to drastically change course and to do everything needed to deliver two billion vaccines to low and lower-middle income countries starting now.”
Hinihingi rin ng Amnesty sa mayayamang mga bansa na muling ipamahagi ang daan-daang milyong excess doses na sa kasalukuyan ay hindi nagagamit, at sa vaccine developers na tiyakin na kahit man lang kalahati ng doses na kanilang gagawin ay mapunta sa mahihirap na mga bansa.
Dagdag pa ni Calamard . . . “Profits should never come before lives. No one should spend another year suffering and living in fear.”