Angeles City, naghahanda na para sa isasagawang Earthquake drill
Nagkabit na ang Angeles City ng mga tarpaulin sa iba’t-ibang bahagi ng lungsod, bilang bahagi ng Information and Education Campaign ng Angeles City Disaster Risk Reduction and Management Office (ACDRRMO), sa paghahanda para sa nalalapit na 2nd Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED) 2021 na gagawin sa Hunyo diyes, sa ganap na alas nuwebe ng umaga.
Ang NSED ay isang quarterly activity ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), upang maihanda ang bawat isa sa darating na Big One.
Kaugnay nito ay inanyayahan ni Mayor Carmelo “Pogi” Lazatin, Jr. ang lahat ng stakeholders mula sa pribado at pampublikong disaster management establishments, na lahukan ang nalalapit na event upang mas mapahusay at malinang ang kanilang kahandaan sa posibleng kaso ng malalaking lindol.
Ayon kay ACDRRMO head Rudy Simeon, gagawin niyang citywide ang naturang aktibidad.
Ulat ni Isabela Samia