Anim katao na lulan ng isang tourist chopper na bumagsak sa Hudson River ng New York, patay lahat

NYPD members work at the scene of a helicopter crash on the Hudson River near lower Manhattan in New York, as seen from Newport, New Jersey U.S., April 10, 2025. REUTERS/Eduardo Munoz
Isang tourist helicopter ang bumagsak sa Hudson River sa New York City, na ikinamatay ng lahat ng sakay nito, kabilang ang tatlong bata.
Sinabi ni Mayor Eric Adams, ang mga biktima ay pinaniniwalaang miyembro ng isang pamilya mula sa Spain, at ang piloto ng helicopter.

Mayor Eric Adams / screen grab from Reuters
Sa video ay makikita ang tila isang malaking bagay na bumubulusok pababa sa ilog, at ilang segundo lamang ay sinundan ito ng tila blade ng isang helicopter.
Pagkatapos ay makikita na ang emergency at police boats na nakapaikot sa isang bahagi ng ilog kung saan lumubog ang helicopter, kung saan ang tanging makikita lamang na nakalutang ay ang tila landing gear nito.
Ang Bell 206 chopper, na ino-operate ng New York Helicopter Tours, ay umalis bandang alas-3:00 Huwebes ng hapon mula sa isang downtown helicopter pad at lumipad pa-hilaga ng Hudson, ayon kay New York Police Commissioner Jessica Tisch.

New York Police Commissioner Jessica Tisch / screen grab from Reuters
Pagkatapos ay lumiko aniya ito pa-timog nang makarating sa George Washington Bridge at bumagsak ilang minuto makalipas, at pabaligtad na bumagsak sa tubig at tuluyang lumubog malapit sa Lower Manhattan humigit-kumulang alas-3:15 ng hapon, di kalayuan sa Hoboken, New Jersey.
Tumulong ang divers sa pagrekober sa mga biktima, kung saan nakuha nila ang piloto at dalawa pang adult at tatlong bata mula sa tubig. Apat ang inanunsiyong patay na nang makuha, habang ang dalawa na dinala sa ospital ay doon na binawian ng buhay.

Screen grab from Reuters
Magsasagawa naman ng imbestigasyon ang Federal Aviation Administration at ang National Transportation Safety Board na pangungunahan ng NTSB.
Ayon sa isang tagapagsalita ng New York City Police, tumulong din ang police boats sa ginawang rescue operations.

Screen grab from Reuters
Ang helicopter safety ay naging topic ng mga diskusyon sa U.S. Congress makaraang mamatay ng 67 katao sa banggaan ng isang American Airlines regional jet at Army helicopter noong Jan. 29, malapit sa Reagan National Airport sa Washington DC.
Simula noon ay permamnente nang hinigpitan ng FAA ang helicopter traffic malapit sa airport at nirepaso ang helicopter operations malapit sa iba pang pangunahing mga paliparan.
Nabatid na ang Spanish family na kinabibilangan ni Agustin Escobar, Global CEO ng Siemens, asawa nito at tatlong anak ay nagsa-sightseeing bago nangyari ang trahedya.