Anim na kalsada sa limang rehiyon, sarado sa trapiko dahil sa epekto ng habagat
Nadagdagan pa ang mga kalsada mula sa limang rehiyon sa bansa na hindi puwedeng daanan bunsod ng epekto ng habagat.
Ayon kay Public Works and Highways Sec. Mark Villar, mula sa apat ay naging anim na ang mga kalsada na sarado sa mga motorista.
Ang dalawang bagong road closure aniya ay sa Ilocos Norte at Cavite.
Partikular na isinara sa trapiko ay ang Manila North Road, K0578+800 sa Brgy. Pancian, Sitio Bangquero, Pagudpud, Ilocos Norte dahil sa landslide at ang Mahogany Avenue, K0059+(-990) sa Tagaytay City, Cavite dahil sa bumagsak na utility post.
Nagsasagawa na ang DPWH Ilocos Norte 1st District Engineering Office Quick Response Team ng clearing operation at nagkabit na ng warning signs sa apektadong kalsada sa Pagudpud.
Nakipag-ugnayan naman na ang DPWH Cavite 2nd District Engineering Office sa utility company para matanggal na ang bumagsak na poste ng kuryente sa Tagaytay.
Nananatiling sarado sa lahat ng uri ng sasakyan ang Baguio-Bontoc Road K0362+600, Busa Bridge, Sabangan, Mt. Province; Abra – Kalinga Road, K0489+900 section in Gacab, Malibcong, Abra; Junction Layac Balanga Mariveles Port Road Zigzag Section K0160+000 sa Bataan at Mindoro West Coastal Road, K0353+900, Pag-asa Section sa Sablayan, Occidental Mindoro.
Gayundin, ang Apalit Macabebe Masantol Road, K0062+600 – K0063+400 sa Calsada Bayu, Sta. Lucia Matua, Masantol at Sto Tomas – Minalin Road (Minalin- Macabebe Section), K0072+500-k0073+300 dahil pa rin sa baha.
Moira Encina