Anim na lalawigan nasa ilalim na ng Alert Level 3 simula ngayong araw, January 28
Anim na lalawigan pa ang isinailalim sa Covid Alert Level 3 na magsisimula ngayong araw, Biyernes, Enero 28. Ito ay ang Palawan, Camiguin, Davao Occidental, Dinagat Islands, Tawi-Tawi at Sulu.
Sinabi ni acting presidential spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles, na inaprubahan ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang pagtataas sa alert level status ng nasabing mga lalawigan bunsod ng pagtaas sa mga kaso ng Covid-19 doon. Itinataas din ang alert level kapag may pagtaas din sa health care utilization rate.
Ayon kay Nograles . . . “The said escalation shall take effect on Friday, January 28, 2022 until February 15, 2022.”
Ang bagong alert status naman ng Metro Manila at iba pang lugar ay iaanunsiyo ng IATF ngayong weekend.
Ang NCR Plus areas na binubuo ng Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal ay nasa ilalim ng Alert Level 3 hanggang Enero 31, 2022.
Apat na lalawigan naman na kinabibilangan ng Kalinga, Ifugao, Mountain Province at Northern Samar ang itinaas sa Alert Level 4 noong Enero 21.
Kapag ang isang lugar ay itinaas sa Alert Level 4, nangangahulugan na ang health utilization rate ay lumampas na ng 70%, at ang mga lugar ay nakapagtala ng mataas na “two-week growth” at elevated average daily attack rates o ADAR.