Anim na lugar sa Luzon nasa ilalim ng Signal No. 1 habang binabagtas ng bagyong ‘Neneng” ang karagatan ng Pilipinas
Anim na lugar sa Luzon ang nasa ilalim ng Signal No. 1 habang kumikilos ang Tropical Depression “Neneng” pa-kanluran, timog-kanluran sa karagatan ng Pilipinas.
Ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), ang sumusunod na mga lugar ay nasa ilalim ng tropical cyclone wind signal:
- Batanes
- Cagayan kabilang ang Babuyan Islands
- hilagang bahagi ng Apayao
- silangang bahagi ng Apayao (Luna, Santa Marcela, Flora, Pudtol, Calanasan)
- extreme northern portion ng Isabela (Santa Maria, San Pablo, Maconacon)
- hilagang bahagi ng Ilocos Norte (Pagudpud, Bangui, Burgos, Pasuquin, Vintar, Dumalneg, Adams)
Sinabi ng PAGASA na si “Neneng” ay nasa 575 kilometro sa silangan ng Calayan, Cagayan, taglay ang lakas ng hangin na 55 kilometro bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot hanggang 70 kilometro bawat oras.
Mahina hanggang katamtaman na minsan ay malakas na pag-ulan ang posibleng maranasan sa Batanes, Cagayan kasama ang Babuyan Islands, Apayao, Kalinga, Ilocos Norte, at Abra.
Mamayang gabi hanggang bukas ng gabi, sinabi ng PAGASA na katamtaman hanggang sa malakas at minsan ay napakalakas na mga pag-ulan ang malamang na maranasan sa Batanes, Cagayan kabilang ang Babuyan Islands, Apayao, Kalinga, Abra, Ilocos Norte at Ilocos Sur.
Posible rin ang mahina hanggang katamtaman at minsan ay malakas na pag-ulan sa hilagang bahagi ng Isabela at nalalabing bahagi ng Ilocos Region at Cordillera Administrative Region.
Dagdag pa ng PAGASA, ang trough ni “Neneng” at ang pagsanib nito sa hanging habagat ay maaari ring magdulot ng paminsan-minsang pag-ulan sa kanlurang bahagi ng MIMAROPA at Kanlurang Visayas.
Si “Neneng” ay tinatayang liliko pa-kanluran ngayong umaga o hapon o tanghali bago kumilos pakanluran hilagang-kanluran, para sa natitirang bahagi ng araw na ito hanggang bukas habang kumikilos patungo sa Luzon Strait.
Ayon sa weather bureau, ang sentro ni “Neneng” ay maaaring dumaan ng napakalapit o mag-landfall sa bisinidad ng Babuyan Islands o Batanes Linggo ng umaga o hapon.
Inaasahang lalabas ito ng Philippine Area of Responsibility sa Lunes.