Anim na panukalang batas target pagtibayin ng dalawang kapulungan ng Kongreso
Anim na panukalang batas ang target na pagtibayin ng dalawang kapulungan ng Kongreso bago matapos ang 2022.
Ito ang kinumpirma ni Senate President Juan Miguel Zubiri matapos ang legislative executive development advisory council o LEDAC meeting sa Malacañang.
Sinabi ni Zubiri na kabilang sa mamadaliin nila at target na ipasa ngayong taon gaya nang hiling ni Pangulong Bongbong Marcos na paglikha ng center for disease control prevention, o Virology Science and Technology Institute dahil sa naging epekto ng COVID-19 pandemic.
Bukod dito, nakalinya para ipasa ang condonation para sa mga hindi nababayarang amortization at interest sa mga utang ng mga agrarian reforms beneficiaries, mandatory rotc and national service training program at amyenda sa build operate transfer law.
Ayon kay Zubiri, sa LEDAC meeting iprinisinta nila sa Pangulo ang 26 na priority bills kung saan 23 dito ay binanggit ng Pangulo sa kaniyang unang State of the Nation Address.
May ugnayan na rin aniya sila ni House Speaker Martin Romualdez para pagtibayin ang mga nakahanay na panukalang batas pabilisin ang pandemic recovery ng gobyerno at matugunan ang pangangailangan ng mamamayan.
Meanne Corvera