Anim na Russians patay sa paglubog ng sinasakyang submarine

People walk next to a police vehicle in front of the hospital where the bodies of those who died when a tourist submarine sank off Egypt's Red Sea resort city of Hurghada, are kept in Hurghada, Egypt, March 27, 2025 [Reuters]
Anim na Russians ang namatay at 39 na mga dayuhang turista naman ang nailigtas, nang lumubog ang sinasakyan nilang viewing submarine sa Egyptian Red Sea resort ng Hurghada, wala namang napaulat na nawawala.
Ayon sa Red Sea Governorate, ang submarine, na may pangalang “Sindbad,” ay may lulang 50 katao, 45 rito ay mga turista na kinabibilangan ng Russian, Indian, Norwegian at Swedish, at limang Egyptian crew members.
Sinabi ng Russian consulate sa Hurghada, na nailigtas ang karamihan sa sakay ng submarine at dinala na sa mga pagamutan at ang iba ay sa kanilang mga hotel.
Ayon sa local governorate, banggit si Red Sea Province Governor Amr Hanafy, nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Egyptian authorities kasama ng crew members upang alamin ang mga naging sanhi ng paglubog ng nasabing submarine.
Sinabi ni Hanafy, na ang Sindbad na pag-aari ng isang Egyptian, ay lisensiyado, maging ang crew captain nito.
Ang submarine ay may malalaking portholes para makita ng mga pasahero ang kagila-gilalas na corals at marine life ng Red Sea, at kaya nitong bumaba sa lalim na 25 meters, ayon sa website ng kompanya.
Ang Sindbad ay malayong-malayo sa extreme adventure submersible na dumanas ng implosion noong June 2023, libu-libong metro sa ilalim ng Atlantic malapit sa kinaroroonan ng lumubog na Titanic.
Ang Red Sea ay isang ‘major hub’ para sa tourism industry ng Egypt, isang haligi ng ekonomiya, at lumalaki na ang papel dito ng Russian tourists. Nakahihikayat din ang Egypt ng mga turista dahil sa kanilang ‘great pyramids of Giza’ at cruises sa Nile sa Luxor at Aswan.
Sa isang United Nations report, nakasaad na ang Egypt ay nangunguna sa mga bansa sa Africa pagdating sa tourism revenues noong 2024, kung saan umabot sa $14.1 billion ang kinita nito, mahigit na doble sa kinita ng Suez Canal, na nagbigay-diin sa mahalagang papel ng turismo upang sustinehan ang ekonomiya.