Patay sa malakas na lindol sa Japan umakyat na sa 48
Umakyat na sa hindi bababa sa 48 katao ang nasawi batay sa pinakahuling pagtaya ng mga awtoridad, bunsod ng malakas na lindol na tumama sa central Japan nitong Lunes, Enero 1 na nag-trigger ng tsunami waves na higit isang metro ang taas, puminsala ng mga bahay at nagdulot ng malaking sunog.
Sinabi ng Japan Meteorological Office (JMA), na ang bansa ay tinamaan ng 155 mga lindol simula nitong Lunes, kabilang ang isang 7.6-magnitude at isa pa na mahigit 6.0 ang magnitude.
Ayon sa JMA, karamihan sa mga pagyanig ay may magnitude na higit sa 3.0 at habang ang lakas ay unti-unting nabawasan, anim na malalakas na pag-uga ang naramdaman nitong Martes ng umaga.
Ang lawak ng pinsala mula sa lindol nitong Lunes ay patuloy na lumalabas, kung saan makikita sa news footage ang mga gusaling gumuho, lumubog na mga bangka sa isang pantalan, hindi mabilang na mga nasunog na bahay, at mga residenteng magdamag na walang suplay ng kuryente sa gitna ng napakalamig na temperatura.
Sinabi ng US Geological Survey (USGS) na ang lindol, na tumama sa Ishikawa prefecture sa main island ng Honshu ay may magnitude na 7.5.
Ayon naman sa Japanese authorities, ang lindol ay may magnitude na 7.6 at sinabing isa ito sa mahigit 90 pagyanig na nagpauga sa rehiyon hanggang ala-1:00 ng madaling araw nitong Martes (oras sa Japan).
Tinamaan ng alon na hindi bababa sa 1.2 metro (apat na talampakan) ang taas ang pantalan ng Wajima noong Lunes, at isang serye ng mas maliliit na tsunamis ang naiulat sa iba pang mga lugar.
Makikita sa aerial news footage ang lumubog na mga bangka sa fishing port ng Suzu, isa naman ang tinangay sa pampang, at ang pinsalang idinulot ng isang malaking sunog sa Wajima.
Humigit-kumulang sa 32,700 mga bahay sa rehiyon ang wala pa ring suplay ng kuryente nitong Martes, ayon sa local energy provider.
Ayon naman sa fire and disaster management agency, libu-libong katao ang inatasang lumikas at sinabi ng defence ministry na nasa isanglibong katao ang nagkakanlong sa isang military base.
Sinabi ni Prime Minister Fumio Kishida, “I instructed (emergency workers) to reach the area as soon as possible by using whatever means available. It is very cold now. I issued an instruction to deliver necessary supplies like water, food, blankets, heating oil, gasoline, fuel oil, by using planes or ships.”
Makikita sa images sa social media ang napakalakas na pag-uga ng mga sasakyan at bahay sa Ishikawa, at ang mga tao sa mga tindahan at istasyon ng tren na takot na takot. Nagiba ang mga bahay at nagkabitak ang mga lansangan.
Sinabi ng isang duty officer sa Wajima Fire Department kung saan sumiklab ang isang malaking sunog na tumupok sa hilera ng mga bahay, na hanggang nitong Martes ay napakarami pa ring humihingi ng tulong at mga ulat ng pinsala.
Aniya, “Since this morning, the number is rising, the department has received dozens of reports of structural damage. We are dealing with various fires and sending our resources for those too.”
Isang anim o pitong palapag na gusali ang bumagsak, ngunit hindi siya nagbigay ng detalye kung may mga tao sa loob nito.
Ayon sa mga report, maraming bahay ang gumuho sa siyudad ng Suzu.
Ilang pangunahing mga kalsada ang isinara sa paligid ng sentro ayon sa road operator ng Japan, ay sinuspinde rin ang mga serbisyo ng bullet train mula Tokyo.
Apat na bullet trains ang ilang oras na nahinto sa apektadong rehiyon nitong Lunes ng gabi, at humigit-kumulang 1,400 mga pasahero ang na-stranded sa mga tren, ayon sa local media. Ilan naman sa mga tren ay bumiyahe na nitong Martes ng umaga.
Nagkaroon din ng disruption sa coverage ng flights at mobile phone, habang maraming convenience stores ang nagsara.
Sinabi ni Defense Minister Minoru Kihara na 1,000 military personnel ang magtutungo sa rehiyon, habang 8,500 iba pa ang naka-standby. Humigit-kumulang sa 20 military aircraft ang idineploy upang alamin ang pinsala.
Nagbabala naman sa mga residente ang JMA sa posibleng dagdag pang mga paglindol sa darating na linggo, partikular sa loob ng susunod na dalawa hanggang tatlong araw.
Ayon sa local media, ang lindol nitong Lunes ay nagpauga sa mga apartment sa Tokyo, may 300 kilometro ang layo, kung saan isang public New Year greeting event na dadaluhan ni Emperor Naruhito at miyembro ng kaniyang pamilya ang kinansela.
Ang Japan ay dumaranas ng daan-daang mga paglindol kada taon at marami rito ay hindi nagdudulot ng pinsala.
Ang bansa ay may mahigpit na regulasyon na ang layunin ay matiyak na kakayanin ng mga gusali ang malalakas na lindol, at regular na nagsasagawa ng emergency drills.
Ngunit ang bansa ay dinadalaw ng ala-ala ng napakalakas na 9.0-magnitude na lindol sa ilalim ng dagat sa northeastern Japan noong March 2011, na nag-trigger sa isang tsunami na nag-iwan ng humigit-kumulang 18,500 kataong patay o nawawala.
Ang 2011 tsunami ang dahilan upang ang tatlong reactors sa Fukushima nuclear plant ay mag-meltdown, at naging sanhi ng pinakamatinding post-war disaster sa Japan at pinakamalubhang nuclear accident simula nang mangyari ang sa Chernobyl.
Subalit ayon sa nuclear authority ng Japan, walang abnormalidad na naiulat sa Shika atomic power plant sa Ishikawa o sa iba pang planta makaraan ang lindol nitong Lunes.