Annual medical check-up dapat nang isama sa coverage ng Philhealth
Nais ni Senador Sonny Angara na mabigyan ang lahat ng Filipino ng libreng annual medical check-up.
Sa kaniyang Senate Bill No. 2297 o Free Health Assessment, ipinapanukala ng Senador na maisama ang annual check-up sa masasakop na babayaran ng Philippine Health Insurance Corporation sa ilalim ng Universal Health Care Law.
Ayon kay Angara, dapat magkaroon ng access sa taunang medical check-up ang mga Filipino para maagang ma-detect ang anumang posibleng kritikal na sakit.
Kung agad aniyang matutukoy ang mga heart disease o anumang nakamamatay na sakit, maaari itong maagapan at maisalba ang buhay ng isang pasyente.
Dahil aniya sa mahal na pagpapacheck-up, napipilitan ang iba na gamutin ang sarili o kaya’y alternative treatment.
Sa panukala, dapat libre na ang mga laboratory at diagnostic examinations sa lahat ng Philhealth accredited health care institutions.
Naniniwala ang Senador na mas makatitipd ang gobyerno dahil maiiwasan ang mas malalang sakit na nangangailangan ng mas malaking gastusan tulad ng pagpapa-dialysis.
Senador Angara:
“This is a win-win for both the government and the Filipino people. We help Filipinos in addressing their most immediate health concerns and promote a healthy lifestyle while also easing the growing cost of healthcare in the country“.
Meanne Corvera