Anti-illegal drug campaign ni Pangulong Duterte, maituturing paring matagumpay kahit hindi tuluyang natapos ang problema
Matapos aminin mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagkamali siya sa pagtaya sa problema ng iligal na droga sa bansa dahil sa lawak nito at malalaking personalidad na kasangkot maituturing parin itong matagumpay sa loob nang halos anim na taong kampanya.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Martin Andanar na dapat intindihin ng publiko ang sitwasyon ng Pangulo dahil noong sabihin niya na mareresolba niya ang problema sa iligal na droga sa bansa sa loob lamang ng tatlo hanggang anim na buwan ay kumakandidato pa lamang siya noon na Presidente.
Ayon kay Andanar kung titingnan ang accomplishment ng Duterte administration sa paglaban sa illegal drugs ay higit na matagumpay kumpara sa mga nakalipas na administrasyon.
Inihayag ni Andanar sa panahon lamang ng Duterte administration nabuwag ang mga malalaking illegal drug laboratories, marami ang mga drug personalitiess ang na-neutralize at na-clear ang mga barangay sa iligal na droga.
Binigyang diin pa ni Andanar na mula 2016 hanggang ngayong 2022 ay libo-libong kilo ng iligal na droga ang nakumpiska ng mga operatiba ng pamahalaan na nagkakahalaga ng bilyong bilyong piso.
Vic Somintac