Anti-Red Tape Authority target na makatugon ang lahat ng LGUs sa E-BOSS
Umaasa si Anti- Red Tape Authority (ARTA) Director- General Ernesto Perez na sa loob ng dalawa hanggang tatlong taon ay makamit ang 100% compliance ng LGUs sa electronic busines one -stop shop (E-BOSS).
Sa ilalim ng Ease of Doing Business Law ay dapat na makapagtatag ang mga LGU ng E- BOSS pagdating ng June 2021.
Layunin nito na mas mapadali at mas mapabilis ang proseso ng pagpaparehistro ng mga negosyo.
Pero sa pinakahuling tala ng ARTA noong October 12, 2024 ay 112 lokal na pamahalaan mula sa mahigit 1,600 LGU ang mayroon pa lang E-BOSS.
Sinabi ni Perez na nakamit nila ang target na 100 ngayong taon at para sa 2025 ay 200 LGUs ang target nila na makatugon sa nasabing sistema.
May partnership na aniya ang ARTA sa ilang pribadong kumpanya para magkaloob ng mga software at mga computer na gagamitin ng LGUs para sa online system upang mas mapabilis ang pagtugon ng mga ito sa E-BOSS.
Ayon kay Perez, bukod sa tumataas ang bilang ng business registration sa isang LGU na may E- BOSS ay napatunayan din sa datos na lumalaki ang nakukolektang kita kada taon ng compliant LGUs.
Moira Encina