Anti-Terror Law petitioners, hinamon ang mga kandidato na ihayag ang posisyon sa ATA
Dapat daw na isama sa mga debate ng mga kandidato ang isyu ukol sa Anti- Terrorism Act (ATA).
Ito ang panawagan ng mga petitioners kontra sa Anti- Terror law kasunod ng paghahain nila ng apela laban sa ruling ng Korte Suprema na pumapabor sa nasabing batas.
Ayon sa isa sa mga abogado ng ATA petitioners na si Virgie Suarez, dapat na itanong ng media o mga unibersidad sa forum o debate ng mga kumakandidato sa pagka-pangulo, bise-presidente, at senador ang posisyon nila sa Anti- Terror Law.
Sinabi rin ng isa sa mga legal counsel ng mga petitioners na si Neri Colmenares na dapat maging parte ng usapan o national discourse ngayon panahon ng kampanya ang ATA.
Mahalaga anilang malaman ng publiko ang pagkakaintindi at posisyon ng mga kandidato sa kontrobersyal na batas.
Kaugnay nito, nagpahayag ng pangamba ang mga petitioners kung si dating Senador Bongbong Marcos ang manalo na presidente sa eleksyon tapos ay umiiral pa ang ATA.
Naniniwala sila na mapanganib kung si Marcos ang mahalal na pangulo dahil ikukompromiso nito ang maraming demokratikong ideya.
Maaari anilang ipatupad ni Marcos muli ang Batas Militar lalo na’t naniniwala ito na ang Martial Law years ang golden era ng bansa.
Moira Encina