Anti- Terror law petitioners hiniling sa SC na tanggalin sa records nito ang mga testimonya at video presentation ni NSA chief Esperon sa oral arguments
Nais ng mga Anti-Terrorism law petitioners na alisin ng Korte Suprema sa records nito ang mga testimonya, video presentation, at annotation ni National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr. sa oral arguments noong May 12.
Sa omnibus motion ng mga petitioners, hiniling din ng mga ito sa Suprema Court na kanselahin ang pagpapatuloy ng interpelasyon kay Esperon ngayong Lunes, May 17.
Ayon sa petitioners, hindi nakapanumpa si Esperon pero sinagot nito ang mga tanong ni Justice Rosmari Carandang at in-address ang Korte Suprema.
Tinawag din ng petitioners na “self-serving” at hindi authenticated sa ilalim ng Rules on Electronic Evidence ang videos na ipinalabas ni Esperon sa mga mahistrado sa nakaraang oral arguments.
Sa dalawang video na iprinisinta ni Esperon ay makikita at maririnig si Communist Party of the Philippines (CPP) leader Jose Maria Sison na tinukoy ang mga organisasyon na kaalyado ng CPP at National Democratic Front of the Philippines.
Ayon sa petitioners, mapanirang red-tagging ang ginawa ni Esperon laban sa mga lehitimong grupo sa naging pagharap niya sa oral arguments noong nakaraang linggo.
Iginiit ng petitioners na dapat maalis ang mga ito sa records ng SC dahil hindi ito “responsive” sa mga tanong ng hukuman.
Hindi rin anila dapat gamitin ng mga opisyal ng pamahalaan ang mga proceedings sa SC sa mga aktong mapanganib gaya ng red-tagging.
Moira Encina