Apat kinasuhan kaugnay ng pagnanakaw sa ‘gold toilet’ mula sa isang English country home
Apat na lalaki ang nahaharap sa kaso kaugnay ng pagnanakaw sa isang 18-carat gold toilet, mula sa isang English country house.
Ang ‘fully functioning’ toilet na tinatawag na “America” at nagkakahalaga ng £4.8 million ($5.9 million), ay ninakaw mula sa Blenheim Palace sa Woodstock, malapit sa Oxford, southern England, noong September 2019.
Isa ito sa star attractions ng isang exhibition ng Italian artist na si Maurizio Cattelan sa palasyo, tahanan ng dukes of Marlborough at lugar kung saan isinilang ang dating prime minister ng Britanya na si Winston Churchill.
Ang naturang 18th century stately home ay isa ring UNESCO World Heritage site.
Ayon sa Crown Prosecution Service (CPS), na siyang nagpasya kung dadalhin ang kaso sa korte sa England at Wales, ang apat na lalaki na ang edad ay nasa pagitan ng 35 at 39, ay dapat humarap sa korte sa Oxford sa November 28.
Ang 39-anyos na si James Sheen, ay nahaharap sa isang bilang ng pagnanakaw, isang bilang ng pakikipagsabwatan sa paglilipat ng criminal property, at dagdag na kaso ng paglilipat ng criminal property.
Ang 38-anyos namang si Michael Jones, ay nahaharap sa kasong pagnanakaw habang ang 35-anyos na si Fred Doe, at 39-anyos na si Bora Guccuk, 39, ay kapwa akusado ng pakikipagsabwatan sa paglilipat ng criminal property.
Ang mga bumibisita ay maaaring magpa-book ng oras para gamitin ‘in private’ ang gold toilet pero sa loob lamang ng tatlong minuto upang malimitahan ang haba ng pila.
Mahigit sa 100,000 katao ang nakagamit nito noong taong naka-display pa ito sa Guggenheim Museum sa New York.
Noong mga panahong iyon ay sinabi ng British police, na itinaon ng mga magnanakaw na pasukin ang Blenheim Palace nang magsasara na ito, kung saan binaklas nila ang gintong toilet na naging sanhi ng malaking pinsala sa plumbing kaya bumaha.