Apat na bihag na sundalong Israeli nakatakdang palayain ng Hamas

0
FEMALE ISRAELI SOLDIERS

A combination picture shows Israeli hostages Karina Ariev, Naama Levy, Liri Albag and Daniela Gilboa, soldiers who were seized from their army base in southern Israel during the deadly October 7, 2023 attack by Hamas, in these undated handout pictures. Courtesy of Bring Them Home Now/Handout via REUTERS/File Photo

Inanunsiyo ng Palestinian militant group na Hamas ang mga pangalan ng apat na Israeli female soldier hostages na pakakawalan, bilang kapalit ng Palestinian prisoners sa ikalawang swap sa ilalim ng ceasefire deal sa Gaza.

Ayon sa grupo, sina Karina Ariev, Daniela Gilboa, Naama Levy at Liri Albag, na pawang mga miyembro ng isang military surveillance unit na naka-post malapit sa Gaza nang mangyari ang pag-atake ng Hamas noong Oktubre 7, 2023, ay palalayain ngayong Sabado.

Kasunod ito nang nauna nang pagpapalaya noong Linggo, na unang araw ng ceasefire, sa tatlong babaeng Israeli at 90 Palestinian prisoners, ang unang palitan na nangyari sa loob ng mahigit isang taon.

Kinumpirma rin ng tanggapan ni Prime Minister Benjamin Netanyahu, na natanggap na nila ang talaan galing sa mediators ngunit hindi na ibinunyag ang mga pangalan na nakatala doon.

Sinabi ng Israeli media, na ang listahan ay hindi sang-ayon sa orihinal na napagkasunduan ng Israel at Hamas. Ayon sa mga ulat, isang sibilyan na nagngangalang Arbel Yehoud, ang inaasahang nasa listahan.

Ayon sa health ministry ng Israel, inihahanda na ang mga ospital para tanggapin ang mga hostage, inidikasyon na ang palitan ay inaasahang matutuloy.

Ang video ng apat maging ng isa pang sundalo matapos silang mabihag sa Nahal Oz military base ay ipinalabas sa Israeli television noong nakaraang taon. Ang pagpapalabas ay pinahintulutan ng pamilya ng mga nasabing sundalo, upang tumaas ang kamalayan at magkaroon ng pressure para sa kanilang paglaya.

A woman waves an Israeli flag, as people gather on the day of the arrival of Romi Gonen, Doron Steinbrecher and Emily Damari, three former female hostages who have been held in Gaza since the deadly October 7 2023 attack, following their release as part of a ceasefire deal in Gaza between Hamas and Israel, at Sheba Medical Center in Ramat Gan, Israel January 19, 2025. REUTERS/Ronen Zvulun/File Photo

Sa anim na linggong unang bahagi ng Gaza ceasefire, sumang-ayon ang Israel na palayain ang 50 Palestinian prisoners para sa bawat babaeng sundalong Israeli, ayon na rin sa mga opisyal. Nangangahulugan na 200 Palestinian prisoners ang palalayain kapalit ng apat na babaeng sundalo.

Sinabi ng Palestinian Prisoners Club, isang grupo na kumakatawan sa Palestinian detainees sa mga kulungan sa Israel, na ang Red Cross ay inatasang mag-abang sa Ofer prison sa occupied West Bank ngayong Sabado. Ilan sa mga bilanggo ay pakakawalan sa West Bank at ilan ang inaasahang ipade-deport.

Ayon sa Hamas prisoners media office, inaasahan nilang makukuha ang pangalan ng 200 Palestinians na palalayain ngayong Sabado. Sinabi pa nito na ang listahan ay inaasahang kabibilangan ng 120 bilanggo na pinatawan ng habangbuhay na pagkakakulong at 80 bilanggo na may iba pang mahahabang senyensiya.

Makaraan ang paglaya noong nakaraang Linggo ng mga bihag na sina Romi Gonen, Emily Damari at Doron Steinbrecher, at recovery sa bangkay ng isang sundalong Israeli na isang dekada nang nawawala, sinabi ng Israel na 94 na Israelis at mga dayuhan ay namamalaging bihag sa Gaza.

Ang kasunduan sa tigil-putukan, na naplantsa na rin sa wakas pagkatapos ng ilang buwang on-off negotiations na pinangasiwaan ng Qatar at Egypt at suportado ng Estados Unidos, ay nagpatigil sa labanan sa unang pagkakataon mula sa isang tigil-tigilan na tumagal lamang ng isang linggo noong Nobyembre 2023.

Sa first phase, pumayag ang Hamas na magpalaya ng 33 kapalit ng daan-daang Palestinian prisoners na nasa mga kulungan sa Israel.

Sa isang kasunod na yugto, ang dalawang panig ay makikipag-negosasyon tungkol sa pagpapalitan ng natitirang mga bihag at ang pag-alis ng mga pwersang Israeli mula sa Gaza, pagkatapos ng 15 buwan nang labanan at pambobomba ng Israel.

Matatandaang inilunsad ng Israel ang giyera kasunod nang pag-atake ng Hamas noong October 7, 2023, kung saan pinatay ng mga militante ang 1,200 katao at binihag ang mahigit sa 250 at dinala sa Gaza, batay sa tally ng Israel.

Simula noon, mahigit sa 47,000 Palestinians na ang napatay sa Gaza, ayon naman sa health authorities doon.

Karamihan matataas na lider ng Hamas at libu-libong fighters nito ang napatay sa labanan, ngunit ang pulisya ng grupo ay muling nagbalik sa mga lansangan nang magsimula ang ceasefire.

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *