Apat na karagdagang EDCA sites tinutulan ng geopolitics experts
Kinontra ng geopolitics experts mula sa Beijing-based think-tank ang desisyon ng Marcos Administration na pahintulutan na ma-access ng tropang Amerikano ang apat na base-militar ng bansa na karagdagan sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites.
Sinabi ni Professor Hu Bo, director ng South China Sea Strategic Situation Probing Initiative (SCSPI), masyadong mabigat ang desiyson ng gobyernong Pilipinas sa karagdagang EDCA sites.
Magagamit aniya ito ng US military forces laban sa China dahil sa tensyon sa Taiwan.
Hindi naman masagot ni Professor Hu kung makakasira sa relasyon ng Pilipinas at China ang naging desisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ang pagkakaloob ng access sa US troops sa ilalim ng EDCA ay alinsunod sa Visiting Forces Agreement (VFA) at Mutual Defense Treaty (MDT) sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.
Bukod pa ito sa naunang limang EDCA sites nang lagdaan ang kasunduan noong 2014.
Kabilang sa mga ito ang Basa Air Base sa Pampanga, Fort Magsaysay sa Nueva Ecija, Lumbia Air Base sa Cagayan de Oro, Antonio Bautista Air Base sa Palawan at Mactan-Benito Ebuen Air Base sa Cebu.
Vic Somintac