Apat na komite ng Kamara nagsanib puwersa na para ugatin ang problemang nilikha ng POGO sa bansa
Nagsimula na ng imbestigaston ang Quad Committee o QuadCom sa Bacolor, Pampanga para ugatin ang problemang nilikha ng operayon ng Philippine Offshore Gaming Operator o POGO sa bansa.
Ang QuadCom ay binubuo ng House Committee on Public Order and safety na pinamumunuan ni Congressman Dan Fernandez, House Committee on Dangerous Drugs na pinamumunuan ni Congressman Robert Barbers, House Committee on Public Accounts na pinamumunuan ni Congressman Joseph Paduano, at House Commitee on Human Rights na pinamumunuan ni Congressman Bienvenido Abante.
Sinabi ni Congressman Barbers na nagdesisyon ang liderato ng Kamara na magsanib puwersa na ang apat na komite, dahil lumalabas sa ginagawang pagdinig ng Kamara na magkakaugnay ang isyu at krimen na kinasasangkutan ng POGO.
Cong. Robert Barbers / Photo: congress.gov.ph
Ayon kay Barbers, ang layunin ng QuadCom ay makapagpatibay ng remedial law sa mga eksistido nang batas na nalulusutan ng mga sindikato at elementong kriminal.
Sinabi ni Congressman Fernandez, na lumutang sa bawat pagdinig ng apat na komite tungkol sa POGO na magkakaugnay ang isyu na may kinalaman sa criminal activities ng mga Chinese operator ng POGO.
Inihayag ng mambabatas na sa pamamagitan ng QuadCom ay mapabibilis ang resulta ng imbestigasyon sa POGO isyu, at makabuo ng amyenda sa batas na nalulusutan ng mga elementong kriminal.
Cong. Joseph Paduano / Photo: congress.gov.ph
Binanggit naman ni Congressman Paduano na nagsimulang matuklasan ang pagkakaugnay ng ilegal na aktibidad sa mga personalidad na nasa likod ng ilegal na POGO, dahil sa kaduda-dudang malalaking transaksiyon ng mga Chinese National na bumili ng lupa sa lalawigan ng Pampanga, na tinayuan ng mga building na kalaunan ay naging sentro ng POGO operations, illegal drug trade, kidnapping at torture.
Cong. Bienvenido Abante / Photo: congress.gov.ph
Sinabi naman ni Congressman Abante, na kailangan na talaga ang pagsasanib puwersa ng concerned committee sa Kamara, dahil ang isyu sa POGO at mga nilikha nitong epekto ay maituturing nang banta sa pambansang seguridad dahil sa lawak ng problema na idinulot nito sa bansa.
Vic Somintac