Apat na mga Amerikano, pinaputukan at dinukot sa Mexico
Apat na American citizens ang pinaputukan at dinukot ng armadong kalalakihan, matapos tunawid sa US border patungo sa northeastern Mexico.
Sa isang pahayag na inilabas ng US embassy sa Mexico ay sinabi ng US Federal Bureau of Investigation (FBI), na ang mga Amerikano ay tumawid sa Matamoros, sa estado ng Tamaulipas noong Biyernes, lulan ng puting minivan na may North Carolina license plates.
Ayon sa FBI, “Shortly after crossing into Mexico, unidentified gunmen fired upon the passengers in the (minivan). All four Americans were placed in a vehicle and taken from the scene by armed men.”
Ang Matamoros, na matatagpuan sa kabila ng hangganan ng US mula sa Brownsville, Texas, ay dumaranas ng karahasang may kaugnayan sa drug trafficking at iba pang organized crime.
Ang mga highway sa Tamaulipas ay ikinukonsiderang kabilang sa pinakamapanganib sa Mexico, dahil sa banta ng kidnapping at extortion ng criminal gangs.
Ang FBI ay nag-aalok ng $50,000 pabuya sa makatutulong upang mailigtas ang hindi pa nakikilang mga biktima at para sa ikadarakip ng mga suspek.
Sinabi pa ng FBI na iniimbestigahan na ng US at Mexican authorities ang pangyayari.
© Agence France-Presse