Apat na miyembro ng kidnapping syndicate, arestado ng NBI sa Pasay at Parañaque
Nadakip ng NBI sa serye ng mga operasyon sa mga lungsod ng Pasay at Parañaque ang apat na indibiduwal na parte ng sindikato na dawit sa kidnap for ransom at pagpatay sa mga Chinese nationals.
Una sa mga naaresto ang Chinese nationals na sina Li Tao Tao at Huang Bao Jian sa isang restaurant sa Pasay dahil sa pagbebenta ng mga hindi lisensyadong armas.
Sa isinagawa naman na follow-up operation, timbog ng NBI si Mark Rouel De Ocampo alyas Erick Isaytono De Ocampo sa Villamor sa Pasay na itinuro ng Chinese suspects na kanilang gun supplier.
Sinundan ito ng isa pang operasyon sa Aseana City sa Parañaque laban sa mga sinasabing dayuhan na financiers at crime group leaders.
Nagkaroon ng shootout sa pagitan ng NBI at mga subjects matapos na tumanggi ang mga ito na bumaba sa kanilang sasakyan at sinagasaan ang mga sasakyan ng operating team at ang mga tauhan ng NBI.
Inalerto ng kawanihan ang PNP sakaling makita ang sasakyan ng mga suspek.
Natagpuan naman kalaunan ang subject vehicle sa isang parking area.
Sugatan sa nangyaring palitan ng putok ang suspek na Chinese national na si Yu Jingdong kaya dinala ito sa ospital.
Si Yu ay una na ring nahaharap sa iba pang reklamong kriminal sa piskalya.
Namatay naman ang kasama nito na Vietnamese si Sy Tuan Dat dahil sa mga sugat na tinamo sa insidente.
Moira Encina