Apat na online lending apps sa Google Play Store, tinanggal kasunod ng kautusan mula sa National Privacy Commission
Wala na sa Google Play Store ang apat na online lending apps (OLAs) matapos ang kautusan ng National Privacy Commission.
Una nang ipinatanggal ng NPC sa Google LLC ang JuanHand, Pesopop, CashJeep, at Lemon Loan dahil sa seryosong privacy risk sa mga tao na magda-download ng mga nasabing apps.
Hinimok naman ni Privacy Commissioner Raymund Enriquez Liboro ang ibang OLAs na gumamit ng know-your-customer (KYC) at debt collection practices na alinsunod sa sirkular ng NPC.
Sa NPC Circular No. 20-01 aniya ay nakalatag ang mga panuntunan sa pagproseso ng personal data para sa loan-related transactions
Sa apat na hiwalay na kautusan, inatasan ng NPC ang
operators ng apat na apps na Wefund Lending Corp., Joywin Lending Investor Inc., Cash8 Lending Corp., at Populus Lending Corp. na ihinto ang pagproseso ng mga impormasyon ng borrowers gaya ng kanilang contacts, lokasyon, larawan, media files, email, at social media data dahil sa privacy risks.
Ayon sa NPC, na-download ng higit 2.1 milyon na beses ang apat na lending apps mula sa Google Play Store.
Moira Encina