Apat na opisyal ng SRA inirekomenda ng Senado na makasuhan sa naunsyaming Sugar Importation
Pinasasampahan ng mga kasong administratibo at kriminal ang apat na opisyal ng Department of Agriculture na sangkot sa kontrobersiyal na Sugar order no. 4
Sa Committee report ng Senate Blue Ribbon Committee na pirmado ng labing- apat sa labing pitong miyembro ng komite, pinakakasuhan sina dating Agriculture Undersecretary Leocadio Sebastian, dating Sugar Regulatory Administrator Hermenegildo Serafica at Sugar Regulatory Administration board members Roland Beltran and Aurelio Valderama.
Paglabag sa Anti-graft and corruption practices act, Anti-Agricultural Smuggling Act at Usurpation of official functions ang kasong inirekomenda laban sa kanila.
Mahaharap din ang apat sa kasong administratibo tulad ng serious dishonesty, grave misconduct, gross neglect of duty, conduct prejudicial to the best interest of service at gross insubordination.
Bukod sa kaso hihilingin ng komite sa Department of Justice na maglabas ng look out bulletin ang Bureau of Immigration laban sa apat.
Dahil sa naunsyaming sugar importation, inirekomenda ang ilang remedial legislation tulad ng pag-amyenda sa Republic Act 10659 kung saan isasama ang probisyon para sa transparency at accountability sa pag-iisyu ng import permit; pag-amyenda sa Executive Order 8 para gawing walo mula sa kasalukuyang apat ang SRA board habang ang Agriculture secretary pa rin ang ex-officio member.
Nais din ng komite na rebisahin at i-rationalize ang sugar importation; gayundin ang pagbibigay ng tamang pondo sa Sugar Industry Development Act at ang pagbuo ng sugar importation plan.
Meanne Corvera