Apat na palapag na Commercial Bldg sa Sampaloc, Maynila, nasunog
Pasado alas-9:00 kagabi ng lamunin ng apoy ang apat na palapag na gusaling ito sa Claro M. Recto sa Maynila.
Sa sobrang kapal ng usok na lumalabas sa gusali minabuti munang isara ng mga otoridad ang kalsada sa lugar sa mga motorista.
Mabilis namang nakaresponde ang mga bumbero sa nasusunog na gusali.
Sa inisyal na imbestigasyon, isang Printing Press ang unang palapag ng gusali at ang mga nasa itaas pa na palapag ay pawang mga Commercial establishments.
Dahil sa kapal ng usok na lumalabas sa gusali ay gumamit na ng smoke ejector ang Bureau of Fire Protection o BFP para agad na maapula ang apoy.
Nanlumo naman ang mga may-ari ng mga stalls sa gusali dahil sunog na sunog ang lahat ng mga paninda na nasa loob nito at hindi na mapapakinabangan pa.
Pero pagdating ng hating gabi muli nananamang kumapal ang usok sa loob ng nasusunog na gusali.
Naging pahirapan na sa mga bumbero ang pag-apula sa apoy.
Patuloy pang inaalam ng BFP ang halaga ng pinsala ng sunog.
Ulat ni Earlo Bringas