Apat na pangalan ng bagyo, aalisin na ng PAGASA sa kanilang 2020 list
Inalis na ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), ang pangalan ng apat na bagyo mula sa kanilang 2020 list.
Ito ay ang “Ambo,” “Quinta,” “Rolly,” at “Ulysses.” Papalitan ito ng pangalang “Aghon,” “Querubin,” “Romina,” at “Upang” sa 2024 list.
Ayon sa PAGASA, inaalis na ang isang tropical cyclone name kung mayroon ito ng kahit isa man lang sa sumusunod na mga criteria:
(1) naging sanhi ito ng 300 o higit pang pagkamatay
(2) nagbunga ito ng isang bilyon piso o higit pang halaga ng pinsala
Sa tala ng ahensya, ang bagyong “Ambo” ay nag-iwan ng P1.574 bilyong halaga ng pinsala sa mga ari-arian, ang “Quinta” ay naging sanhi ng pagkamatay ng 27 katao at P4.223 bilyong pisong halaga ng pinsala, ang “Rolly” ay naging sanhi ng pagkamatay ng 25 katao at P17.875 bilyong halaga ng pinsala, habang ang “Ulysses” ay naging sanhi ng pagkasawi ng 101 katao at nag-iwan ng P20.261 bilyong halaga ng pinsala.
Una nang sinabi ng PAGASA, na ang pagtatanggal sa pangalan ng mapaminsalang mga bagyo, ay noong 1979 pa sinimulang gawin.
Ang talaan ng PAGASA ng pangalan ng mga bagyo, ay binubuo ng apat na set ng 25 pangalan, at may 10 na auxiliary o “reserved” names.
Kapag ang bilang ng bagyo sa loob ng isang taon ay lumampas sa 25, ginagamit na ang nasa auxiliary list.
Liza Flores