Apat na suspek sa human trafficking, huli sa Olongapo City
Timbog ng NBI-Olongapo District Office ang apat na suspek sa human trafficking.
Kinilala ang mga nadakip na sina Jackylou Lastimado, Ramil Enterno, Monica Labandelo, at Jesthony Telan.
Ayon sa NBI, ang kaso ay nag-ugat sa intelligence report ng grupong Destiny Rescue Filipinas ukol sa sinasabing
human trafficking activities ng mga suspek na sina
Lastimado alyas Jacky at Monica Corum alyas Monic sa lungsod ng Olongapo at mga kalapit na munisipalidad.
Batay pa sa ulat na natanggap ng NBI, sina Lastimado at Corum ay umaaktong bugaw sa mga prospective na kliyente.
Ang dalawa ang sinasabing kumukuha at nagbubugaw sa prostitusyon at iba pang sexual activities sa mga menor de edad partikular sa mga high school students at out-of-school youths kapalit ng salapi.
Matapos na makumpirma ng NBI ang ulat ay ikinasa ang simultaneous operations sa napagkasunduang meeting place ng nagpanggap na kliyente at mga suspek sa
Subic Freeport Zone.
Nasagip ng mga otoridad ang 10 trafficking victims kung saan anim sa mga ito ay menor de edad.
Nahaharap na sa reklamong limang counts ng human trafficking at limang counts ng child abuse ang mga inarestong suspek sa piskalya sa Olongapo City.
Moira Encina