Apat patay, 7 nawawala sa pananalasa ng bagyong Dante – NDRRMC
Apat na ang patay habang pitong iba pa ang nawawala dahil sa pananasala ng bagyong Dante.
Batay sa report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nadagdag sa casualties ang isang 55-anyos na lalaki mula sa Norala, South Cotabato.
Ang kaniyang bangkay ay narekober kagabi mula sa mga debris ng landslide.
Nagpapatuloy naman ang search ang rescue operations sa pitong iba pang iniulat na nawawala.
Sa datos ng NDRRMC, umabot na sa 9,981 na pamilya ang naapektuhan ng bagyo sa may 89 na mga Barangay sa Davao, Soccsksargen, at Caraga region habang mahigit 3,000 pa sa mga ito ang nasa mga evacuation centers.
Sa Davao de Oro, anim na bahay ang winasak ng bagyo, 11 kalsada naman at tatlong tulay ang nasira sa Cental Visayas, Eastern Visayas, Davao, Soccsksargen kung saan dalawa sa mga tulay ang hindi ngayon madaanan.
Meanne Corvera