Apat patay, isa ang nawawala sa pananalasa ng bagyo sa New Zealand
Hindi bababa sa apat katao ang nasawi sa pananalasa ng bagyo sa North Island ng New Zealand, matapos lumubog ang isang fishing vessel.
Apat na bangkay ang narekober habang isang katao pa ang nawawala, matapos lumubog ang isang chartered fishing boat sa baybayin ng Northland nitong Linggo, at ayon sa pulisya may lima ring nakaligtas na stable na ngayon ang kalagayan.
Nagpadala naman ang militar ng dalawang air force planes at isang naval warship para tumulong sa search and rescue operations.
Sinabi ng official MetService weather forecaster, na ang bagyo ay kumilos pa-timog at tumama sa Auckland ngayong Lunes, at nagbagsak ng 76.8 mm (3.0 inches) ng ulan sa siyudad sa loob lang ng isang oras, ang kaparehong dami ng ulang bumabagsak sa loob ng isang buwan sa ganitong panahon.
Isinara ang mga lansangan dahil sa pagbaha, maging ang mga eskuwelahan at sinuspinde ang ferry services dahil sa malakas na mga pag-ulan.
Ayon sa MetService, isang thunderstorms cluster ang patungo sa timog bago nag-iba ng direksyon at lumipat sa dagat.
Bagama’t inalis na nito ang severe weather warnings, ay nagbabala ang MetService na maraming lugar pa rin ang patuloy na makararanas ng mga pag-ulan, dahil isang malalim na low pressure system ang papalapit mula sa kanluran.