Apat patay sa baha sa India dulot ng malakas na mga pag-ulan
Hindi bababa sa apat katao ang namatay sa hilagang-silangang India bunsod ng malakas na mga pag-ulan, na nagdulot ng grabeng pagbaha.
Lumitaw sa government figures, na mahigit isang milyong katao ang naapektuhan ng mga pagbaha.
Ang monsoon rains ay nagreresulta sa malawakang pinsala kada taon, ngunit sinabi ng mga eksperto na binago ng climate change ang weather patterns at pinataas ang bilang ng extreme weather events.
Sinabi ng disaster authorities sa hilagang-silangang estado ng Assam, na 38 katao na ang namatay simula noong kalagitnaan ng Mayo nang bayuhin ng malalakas na mga pag-ulan ang estado, na nagresulta sa mga pagbaha at landslides.
Nagpalabas naman ng alerto para sa Assam at mga katabi nitong estado ang weather department ng India, na nagbababala ng panganib ng mas marami pang flash floods.
Sinira na ng tubig baha ang mga kalsada sa estado, habang 13 mangingisda naman ang iniligtas ng airforce matapos ma-stranded sa isang isla.
Binaha rin ang malaking bahagi ng Kaziranga national park, na isang UNESCO world heritage site at tahanan ng pinakamaraming bilang ng one-horned rhinos sa mundo.
Sinabi ng park official na si Arun Vignesh, “Forest guards have been put on alert. Hundreds of animals have started crossing the highway in search of higher ground.”
Dumanas din ng pagbaha ang malaking bahagi ng Bangladesh, mula sa hilagang-silangang rehiyon ng India.
Ang monsoon rains ay nagdudulot ng delubyo at mga pagbaha kada taon sa Timugang Asya.
Noong isang linggo, hindi bababa sa 14 katao ang namatay dahil sa landslides, pagkidlat at pagbaha sa Nepal na resulta ng mga pag-ulan.
Sa Bangladesh, hindi bababa sa siyam katao ang namatay dahil sa landslide nito lamang nakalipas na Hunyo.
Nito ring Hunyo, anim katao naman ang namatay sa flash floods at landslides sa Sikkim, isang Indian state sa Himalayan foothills na may hangganan sa China.