Apela ng Metro manila mayors na ilagay sa hard lockdown ang NCR pag-aaralang mabuti ng IATF
Isasailalim sa masusing pag-aaral ng Inter Agency Task Force o IATF ang apela ng mga Metro Manila Mayors na isailalim sa hard lockdown o Enhanced Community Quarantine o ECQ ang National Capital Region o NCR sa loob ng dalawang linggo para maagapan ang pagkalat ng mas nakakahawa at nakamamatay na Delta variant ng COVID 19.
Ginawa ng Metro Manila Mayors ang apela sa IATF matapos magdesisyon si Pangulong Rodrigo Duterte na panatilihin ang NCR sa General Community Quarantine o GCQ with heightened restriction mula August 1 hanggang August 15 dahil wala pa sa high risk ang Kalakhang Maynila kung ang pag- uusapan ay health care utilization rate alinsunod sa report ng mga medical expert ng pamahalaan.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque ang pangunahing problema o konsiderasyon na dapat isaalang-alang kung magpapatupad ng ECQ sa NCR ay ang ayuda na ibibigay muli ng pamahalaan sa mga maaapektuhan ng hard lockdown.
Ayon kay Roque alam ng mga Metro Manila Mayors ang problema kung saan kukunin ang pondo para sa ayuda na aabot sa multi bilyong piso.
Inihayag ni Roque ang desisyon ng Pangulo na panatilihin sa GCQ with heightened restriction ang NCR ay batay sa siyensiya na wala pang paglobo ng kaso ng Delta variant sa Metro Manila.
Niliwanag ni Roque kung papayagan ng Pangulo na ilagay muli sa ECQ ang NCR ikokonsidera ang ekonomiya kung saan maari paring magtrabaho ang mga may bakuna na laban sa COVID 19.
Iginiit ni Roque na sa pagpapatupad ng hard lockdown sa NCR hindi maiiwasan na balansehin ang ukol sa kaligtasang pangkalusugan at kasiguruhan ng pangkabuhayan dahil hindi puwedeng magutom ang taongbayan sa gitna ng pandemya ng COVID 19.
Vic Somintac