Apela ng Pilipinas ibinasura ng ICC
Ibinasura ng Appeals Chamber ng International Criminal Court (ICC) ang apela ng Pilipinas sa imbestigasyon ng ICC prosecutors sa umano’y mga pagpatay kaugnay sa war on drugs ng Duterte Administration.
Ibinaba ng Appeals Chamber ang desisyon makaraang isumite ng Office of the Solicitor General (OSG) ang appeals brief noong Marso 13 para hilingin na baligtarin ng hukuman ang desisyon nito na buhayin ang pagsisiyasat sa anit-drugs campaign ng nakaraang administrasyon.
Sa desisyon ibinaba ni presiding Judge Marc Perin de Brichambaut sinabi nito na “The Appeals Chamber rejects the request of the Republic of the Philippines for suspensive effect of the aforementioned decision of pre-trial chamber 1.”
Sa appeals brief isinumite ng OSG, ipinasususpinde nito ang imbestigasyon habang isinasagawa ang apela, gayundin ang awtorisasyon ng ICC na magsiyasat at tukuyin na walang pahintulot ang prosecution na magsagawa ng pagsisiyasat.
Sa pagbababa ng desisyon, nirepaso ng Appeals Chamber ang notice of appeals ng gobyerno ng Pilipinas, gayundin ang tugon ng prosecutor sa notice at ang appeals brief na isunimite ng bansa.
Sinabi ng Chamber na bigo ang pamahalaan na ipaliwanag ang kawalan ng hurisdiksyon ng hukuman o magpadala ng eksplanasyon sa implikasyon at lawak ng pagsisiyasat.
Binigyang-diin din ng Chamber na maaring ipagpatuloy ng gobyerno ang local na imbestigasyon nito kahit patuloy ang pagsisiyasat ng ICC sa isyu.
Sa paninindigan ng Pilipinas, wala umanong hurisdiksyon ang ICC na magsiyasat at imbestigasyon ng hukuman ay panghihimasok sa soberenya ng bansa.
Weng Dela Fuente