Apila ng pamilya ni Jennifer Laude laban sa pagpapalaya kay US Marine Joseph Scott Pemberton, nakatakdang dinggin sa Lunes
Naghain ng Motion for Reconsideration sa Olongapo court ang kampo ng pamilya ni Jennifer Laude laban sa kautusan nito na palayain ang Amerikanong sundalo na si Joseph Scott Pemberton.
Ayon sa abogado ng pamilya Laude na si Atty. Virgie Suarez, agad silang naghain ng apela kahapon nang matanggap ang kopya ng kautusan ng Olongapo RTC Branch 74 na palayain si Pemberton.
Sa Lunes anya ay nakatakdang dinggin ng hukuman ang kanilang mosyon.
Sinabi ni Suarez na binigyan din nila ng kopya ng kanilang apela ang Bureau of Corrections at Office of the Solicitor General.
Susulat din ang abogado sa Bureau of Immigration para hilinging huwag palabasin ng bansa si Pemberton habang nakabinbin pa sa korte ang kanilang mosyon.
Iginiit ng abogado na hindi pa final at executory ang utos ng Olongapo RTC kaya hindi pa dapat palayain ang dayuhan.
Samantala, nagsagawa ng indignation rally sa labas ng DOJ sa Maynila ang ilang militanteng grupo para kondenahin ang desisyon ng korte na palayain si Pemberton.
Nagtali rin ang grupo ng pulang ribbon sa gate ng DOJ na simbolo raw ng kawalang hustisya kay Laude at sa sambayanang Pilipino.
Sa utos ng Olongapo court, napagsilbihan na ni Pemberton ang sentensya sa kanya na hanggang 10 taon na pagkakakulong at nabayaran na ang lahat ng danyos sa pamilya Laude.
Ibinilang sa computation ng pagkabilanggo ng dayuhan ang nakuha niyang Good Conduct Time Allowance (GCTA).
Moira Encina
Please follow and like us: