App at web portal na tatanggap ng mga reklamo ng text scams at fraud, idini-develop ng CICC
Bilang tugon sa paglipana ng mga smishing at text spams kamakailan, bumubuo na ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) ng application o app at web portal kung saan maaaring magreport ang mga biktima ng mga text frauds.
Ayon sa National Privacy Commission (NPC), ang app at web portal ay ilan sa mga hakbangin ng binuong interagency group para habulin at papanagutin ang mga nasa likod ng scam texts na nagaalok ng mga investment schemes at work-from- home jobs at nanghihingi ng personal na impormasyon.
Ang mga numero naman na iuulat ng mga biktima ay ibibigay ng CICC sa mga telecommunication companies para ito ay ma-block.
Iri-refer din ng CICC sa mga kinauukulang ahensya ang mga kaso para maaksyunan.
Nag-alok ang DOJ Office of Cybercrime na mangasiwa ng koordinasyon sa international agencies para malabanan ang global syndicates na utak ng mga nasabing scams.
Kasama sa interagency group na nilikha ay ang DOJ, BSP, DIC, NTC, DOLE, AMLC, NPC, Natl Security Council at pangungunahan ng CICC.
Moira Encina