Apple nagbabala sa depektong magbibigay daan para ma-hack ang iPhones at Macs
Nagbabala ang Apple tungkol sa isang depekto na magbibigay-daan sa hackers na makontrol ang iPhones, iPads at Mac computers, kaya’t hinikayat ang users na mag-install ng emergency software updates.
Nitong Miyerkoles at Huwebes ay naglabas ng patches ang tech titan para ayusin ang anila’y depekto na maaaring alam na at sinasamantala ng hackers.
Ayon sa Silicon Valley-based company, “Apple is aware of a report that this issue may have been actively exploited.”
Hindi naman ibinunyag ng Apple kung mayroon silang impormasyon sa lawak na maaaring abutin ng isyu.
Batay sa technical description, maaaring gamitin ng isang hacker ang nabanggit na depekto o “vulnerability” para kontrolin ang devices, at ma-access ang alinman sa data o capabilities nito.
Ang patches ay inilabas para sa iPhones, iPads at Mac computers na gumagana sa operating systems na mayroon ng nasabing depekto.
© Agence France-Presse