Appointment schedule para sa TNVS applications muling binuksan ng LTFRB

Muling binuksan ngayong Martes ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), ang appointment schedule para sa transport network vehicle service (TNVS) applications.

Noong Abril 30, nangako ang LTFRB sa akreditasyon ng halos 8,000 unit sa ilalim ng Transport Network Companies upang tugunan ang tumataas na pangangailangan para sa mas maraming serbisyo sa pampublikong sasakyan. Mula sa kabuuang bilang na ito, 7,000 slots ang inilaan para sa National Capital Region, 220 para sa Central Luzon, 500 para sa Bicol Region, at 150 para sa Western Visayas.

Gayunman, sinabi ni LTFRB Board Member Engr. Sherwin Begyan na habang patuloy na tumatanggap ang ahensya ng mga aplikasyon sa TNVS, pansamantalang itinigil ang pag-iiskedyul ng appointment makalipas ang isang linggo dahil sa pagdagsa ng mga appointment na nakarehistro sa website nito.

Paliwanag ni Begyan . . . “Napuno kasi ‘yung calendar ng appointments and we can only accommodate 200 applicants a day. That is assuming one unit per applicant ang nag-aapply.”

Ayon sa LTFRB, 200 mga aplikante lamang ang tatanggapin araw-araw hanggang sa June 17, 2022.

Para makakuha ng petsa ng appointment, kailangang magparehistro ang mga aplikante sa website ng ahensya — https://cpc-ltfrb.com.ph. Ang mga kinakailangan at detalye para sa personal na petsa ng appointment ay ipadadala kapag nakumpleto ang pagpaparehistro.

Inatasan din ng LTFRB ang mga naunang rejected applicants dahil sa hindi kumpletong requirements, na gumawa ng bagong account gamit ang bagong email, sakaling nais nilang ituloy ang isa pang aplikasyon sa TNVS.

Please follow and like us: