Arawang kita ng LTO hindi puwedeng gamitin para pondohan ang drivers license card at motor vehicle license plate
Hindi otorisado ang Land Transportation Office (LTO) na gamitin ang arawang koleksyon sa paggawa ng drivers license card at motor vehicle license plates.
Sinabi ng LTO na hindi nanggagaling sa arawang koleksyon ang ginagamit na pondo sa paggawa ng driver’s license, plaka ng sasakyan, at sa kabuuang operasyon ng ahensya.
Inihayag ni LTO Finance Division Chief Marivic Lopez na araw-araw ay nire-remit o ipinadadala ng ahensya ang koleksyon sa Bureau of the Treasury (BOT).
Ayon kay Lopez ang taunang alokasyon ng Kongreso sa ilalim ng General Appropriations Act (GAA) ang pinagkukunan ng budget ng LTO para sa operasyon at pagbili ng raw materials sa paggawa ng drivers license card at motor vehicle license plates.
Niliwanag ng LTO na hindi dahil sa kakulangan ng pondo ang ugat ng paubos nang suplay ng plastic cards para sa drivers license at ang nakaamba ring pagkaubos ng suplay ng plaka ng mga sasakyan kundi ang naaantalang procurement o pagbili ng mga raw materials dahil sa special order ng Department of Transportation (DOTr) na ginawang sentralisado ang bidding ng mga materyales.
Tugon ito ng LTO sa pahayag ng ilang mambabatas ng dalawang kapulungan ng kongreso na dapat gamitin ng ahensiya ang arawang koleksiyon para maresolba ang problema sa kakulangan ng supply ng plastic cards para sa drivers license at motor vehicle license plates.
Vic Somintac