Armorer ng pelikulang ‘Rust’ hahatulan na kaugnay ng on-set shooting incident na ikinamatay ng isang cinematographer
Nakatakdang hatulan ng isang korte sa US, ang armorer na naglagay ng bala sa baril na pumatay sa isang cinematographer sa set ng pelikula ni Alec Baldwin na “Rust.”
Si Hannah Gutierrez ay mahaharap sa hanggang 18 buwang pagkakabilanggo makaraang mapatunayang guilty ng involuntary manslaughter, sa pagkamatay noong October 2021 ni Halyna Hutchins habang kinukunan ang pelikulang “Rust.”
Sa sampung araw na paglilitis kay Gutierrez ay dininig kung paanong ganap ang responsibilidad ng 26-anyos, para sa pagkakaroon ng anim na bala sa baril, na isang malinaw na paglabag sa karaniwang mga kasanayan sa industriya ng pelikula.
Dininig din kung paanong paulit-ulit itong nabigo na sumunod sa basic safety rules, kung saan hindi nito binabantayan ang mga baril at hinahayaan ang mga artista kabilang si Baldwin na ipagwaswasan ang mga armas.
Si Hutchins ay tinamaan ng isang balang ipinutok mula sa Colt .45 revolver na hawak ni Baldwin para sa isang eksena sa loob ng isang simbahang yari sa kahoy, sa set ng pelikula na kinunan sa New Mexico. Ang direktor na si Joel Souza ay nasugatan din ng kaparehong bala.
Si Baldwin, na producer din ng nasabing pelikula, ay nahaharap sa sarili niyang paglilitis para sa involuntary manslaughter sa Hulyo. Itinanggi niya ang paratang.
Sakaling mahatulan, siya man ay parurusahan din ng 18 buwang pagkakakulong.
Si Dave Halls, ang safety coordinator at assistant director, na siyang nagbigay kay Baldwin ng baril na may bala, ay sumang-ayon sa isang plea deal sa prosecutors noong isang taon at nasentensiyahan ng anim na buwang probation.
Baldwin faces his own trial for involuntary manslaughter, which is scheduled for July / Santa Fe County Sheriff’s Office/AFP/File
Ang trahedya ay nagdulot ng pagkabigla sa buong Hollywood at nagbunga ng mga panawagan para sa lubusang pagbabawal sa paggamit ng mga armas sa set ng mga pelikula.
Gayunman, sinabi ng mga taga-loob ng industriya na may umiiral nang mga panuntunan upang maiwasan ang nabanggit na mga insidente, hindi lamang iyon sinunod ng mga kinauukulan na gumagawa ng pelikulang “Rust.”
Ang tinaguriang ‘blockbuster trial’ noong nakaraang buwan, na mahigpit na sinubaybayan ng US at ng international media, ay duminig sa kung paanong si Gutierrez ay malimit na wala sa set.
Sinabi ni Prosecutor Kari Morrissey, na madalas ay wala siya kapag kinukunan ang mga eksenang kinasasangkutan ng mga armas, at hinahayaang walang bantay ang mga baril.
Hinayaan din ni Gutierrez ang sarili na madaliin siya ni Baldwin, at napagpalit-palit niya ang iba’t ibang uri ng bala sa props tray, na sanhi upang magkahalo-halo ang tunay at dummy na mga bala.
Tunay na bala ang kaniyang nailagay sa baril ni Baldiwn, habang ang aktor, si Souza at Hutchins ay naghahanda sa eksena.
Si Hutchins, na 42-anyos nang siya ay mamatay, ay nakatayo malapit sa camera na gagamitin upang kunan ang eksena.
Ang bala ay tumagos sa kaniyang dibdib at tumama sa direktor na si Souza.
Si Hutchins ay isinakay sa isang aircraft at dinala sa isang ospital ngunit idineklarang patay nang araw ding iyon, matapos dumanas ng malabis na pagdurugo.
Sa nangyaring paglilitis noong nakaraang buwan ay sinabi ni Morrissey, “Folks, if she’s not checking the dummy ammunition… to make sure that those rounds… are in fact dummy rounds, this was a game of Russian roulette every time an actor had a gun.”
Si Gutierrez, na hindi nagpakita ng emosyon sa kanyang dalawang linggong paglilitis, ay nasa kustodiya na.
Ang shooting ng “Rust” ay nahinto matapos ang trahedya, ngunit natapos na noong nakaraang taon sa lokasyon nito sa Montana.
Ang biyudo ng cinematographer na si Matthew Hutchins, ay nag-settle na ng isang ‘wrongful death suit’ sa “Rust” producers. Isa rin siyang executive producer.
Wala pang itinakdang petsa ng pagpapalabas sa naturang pelikula.