Artificial intelligence company na X.AI, itinatag ni Elon Musk
Nagtatag si Elon Musk ng isang X.AI artificial intelligence corporation na nakabase sa estado ng Nevada sa US.
Ayon sa isang state business filing, si Musk na boss kapwa ng Twitter at Tesla, ay nakatala bilang director ng X.AI Corporation na itinatag noong March 9.
Kamakailan ay pinagsama ni Musk ang Twitter at ang bagong tatag na “X” shell company, kung saan pinanatili nito ang brand name para sa platform pero hindi ang negosyo.
Ang pagtatatag ni Musk sa isang lumilitaw na katunggali ng ChatGPT-maker na OpenAI, ay ginawa sa kabila ng kamakailan ay pangkalahatang panawagan na ihinto muna ang pag-develop ng artificial intelligence.
Ayon sa isang report, si Musk ay bumili ng libu-libong malalakas, at mahal na computing processors at kumuha ng engineering talent bilang bahagi ng isang AI project sa Twitter.
Samantala, binawasan naman ni Musk ang mga tauhan sa Twitter bilang bahagi ng dramatikong pagbabawas sa gastusin, mula nang i-takeover niya ang San Francisco firm sa huling bahagi ng 2022.
Ang petsa ng pagkakatatag sa X.AI ay ilang linggo bago sumama si Musk sa mga eksperto na lumagda sa isang open letter na nananawagan na itigil muna ang development ng AI.
Ang open letter, na nalathala sa website ng Musk-funded Future of Life Institute, ay humihikayat sa isang anim na buwang “pahinga” sa development ng malakas na AI systems.
Nakasaad sa liham, “AI systems with human-competitive intelligence can pose profound risks to society and humanity.”
Ayon sa argumento ng mga lumagda, kabilang ang academics at tech titans gaya ng Apple cofounder na si Steve Wozniak, ang “pahinga” ay dapat gamitin upang paigtingin ang regulasyon at matiyak na ang sistema ay ligtas.
Gayunman, tinawag ng mga kritiko ang liham na isang “hot mess” ng “AI hype” at anila’y “misrepresented an academic paper.”
Ang malalaking tech companies gaya ng Google, Meta at Microsoft ay gumugol ng mga taon para sa AI systems na dating kilala bilang machine learning o big data — upang tumulong sa translations, search at naka-target sa advertising.
Ngunit sa huling bahagi ng nakalipas na taon, pinalakas ng San Francisco firm na OpenAI ang interes sa AI nang ilunsad nito ang ChatGPT, isang bot na maaaring makabuo ng natural na language text mula sa isang maikling prompt.
Si Musk ay cofounder ng OpenAI pero umalis ito sa kompanya noong 2018.
Mula noon ay inanusiyo ng Microsoft, na namumuhunan ito ng bilyun-bilyong dolyar sa OpenAI at ginamit ang teknolohiya nito upang gumana sa kanilang Bing internet search service.
© Agence France-Presse