ASEAN leaders pupulungin ng US sa kalagitnaan ng Mayo
Makikipagpulong si US President Joe Biden sa mga lider ng Southeast Asian nations sa kalagitnaan ng Mayo, na malamang na ang maging pokus ay ang lumalakas na kapangyarihan ng China.
Ang summit, na orihinal na nakatakda para sa Marso, “ay magpapakita ng matatag na pangako ng Estados Unidos sa ASEAN,” ayon sa statement ni White House press secretary Jen Psaki, na ang tinutukoy ay ang Association of Southeast Asian Nations.
Ayon sa statement . . . “It is a top priority for the Biden-Harris Administration to serve as a strong, reliable partner in Southeast Asia.”
Ang summit, na unang itinakda ng March 28 at 29 bago ipinagpaliban nang walang ibinigay na petsa, ay gaganapin na sa May 12 at 13.
Ang pulong ay ipinagpaliban sa gitna ng mga ulat na ang mga lider ng ilang ASEAN members ay may problema sa schedule, at sa patuloy pang paglala ng krisis sa Ukraine.
Matagal nang inihayag ng Estados Unidos, na ang pagpapalakas sa ugnayan nito sa Asya ay isang foreign policy priority.
Noong March 29, si Biden ay nakipagkita sa isang pangunahing miyembro ng ASEAN sa White House, na si Prime Minister Lee Hsien Loong ng Singapore, at sinabing nais niyang matiyak na ang rehiyon ay mananatiling “malaya at bukas (open)” — isang reperensiya sa nakikita ng US na pagtatangka ng China na pagdomina sa international trade routes.
Si Biden ay lumahok din sa isang virtual summit kasama ng ASEAN leaders noong Oktubre.
Sa naturang summit, tinukoy ni Psaki sa kaniyang pahayag, na inanunsiyo ni Biden ang mga inisyatibo para palawakin ang engagement ng US sa ASEAN sa COVID-19, climate change, economic growth at marami pang iba.
Ang isang maigting na kumpetisyon sa China ay naging isa sa mga pinakamalaking hamon sa patakarang panlabas para sa Estados Unidos, kahit na ang iba pang mga isyu – ang magulong pag-alis mula sa Afghanistan at ang digmaan sa Ukraine – ay humingi ng mas kagyat na atensyon.
Ang ASEAN members ay kinabibilangan ng Brunei, Cambodia, Indonesia, Laos, Malaysia, Myanmar, Pilipinas, Singapore, Thailand at Vietnam. Ilan sa mga ito ay nakaranas ng lumalalang alitan sa Beijing.
Hindi naman malinaw sa pahayag ng US kung dadalo ang mga lider ng Myanmar. Inakusahan ng administrasyon ang mga pinuno ng militar doon ng “genocide” laban sa minoryang Rohingya.
Hinangad ng ASEAN — na bigo pa rin hanggang ngayon — na makahanap ng isang diplomatikong solusyon mula nang maupo ang militar doon sa pamamagitan ng isang kudeta noong 2021.