Assessment sa nasunog na Manila Central Post Office tatagal ng 2 linggo – GSIS chief
Tatagal pa ng dalawang linggo bago matapos ng mga adjuster ang assessment sa nasunog na Manila Central Post Office.
Kasama ng mga tauhan ng Government Service Insurance Service (GSIS) ang mga adjuster mula sa BA Insight.
Sa panayam ng NET25 TV/Radyo Program Ano sa Palagay Nyo? (ASPN) sinabi ni GSIS President at General Manager Jose Arnolfo Velasco na mahalagang matapos agad ang assessment para sa agarang pagsasa-ayos ng gusali.
Sa kabuuan ay nasa P604 milyon ang halaga ng insurance ng Manila Central Post Office sa GSIS – P406M ang insurance ng gusali at P198M naman ang sa contents o ang mga furnitures at fixtures sa loob nito.
Gayunman, hindi kasama sa coverage ang mga nasunog na sulat at parcel na nasa gusali nang maganap ang insidente.
“I told them, this is very important for us to be able to fix immediately… this is a very important cultural property and we’re committed to assist the Philippine Postal authority to help them immediately,” paliwanag ni PGM Velasco.
“Pumunta na ang adjuster kahapon, hindi pa makapasok ngunit nag-conduct na ng check via a drone camera para makita more or less yung extent ng damage at magkaroon na more or less assessment because it will take them two weeks to be able to file the adjuster’s report and hopefully, sabi ko nga sana mapa-aga it will take them 2 weeks for ht adjuster report, sana mapaaga para masimulan ito agad, mapa-ayos agad,“ dagdag na pahayag ni Velasco.
Aminado si Velasco na may mga haka-haka na posibleng sinadya ang sunog sa Manila Central Post Office ngunit umaasa siyang hindi ito totoo.
Hindi kasi makakakuha ng insurance ang PHLPost kung mangyayaring arson ang sanhi ng sunog.
“May mga coverage po, pagka may mga ganyang bagay po [arson] at hindi mako-cover yan, ngunit sana naman ay hindi totoo yang mga haka-haka nay an… I would rather stick to whatever adjuster’s report, wala pa po tayong nakikita na report at kasalukuyan pong ini-inspect pa lang,” pagdidiin pa ni PGM Velasco.
Nag-alok din ang GSIS sa PHLPost ng tulong sa pamamagitan ng mga warehouse nila sa Pasig City.
Handa rin aniya ang GSIS na pautangin ang ahensya kung kinakailangan.
Weng dela Fuente